Una sa Balita

Pulis -Caloocan i-ban sa Sept.21 rally

0 8

Umangal ang dalawang senador sa pasya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na pagbantayin sa mga kilos-protesta bukas, Setyembre 21, ang mga sinibak na pulis sa Caloocan City.

Sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na nakababahala ito dahil sa rekord ng ilang pulis Caloocan na sangkot sa mga krimen.

Inungkat na mismong NCRPO ang nagsabi na may problema sa mga pulis mula sa lungsod kaya nga sinibak at isasailalim sa retraining.

“Sila mismo ang nagsabi na dapat i-relieve ang mga pulis sa Caloocan dahil sa hindi magagandang nangyari. Ngayon ide-deploy sila sa rally. Nakakabahala yan. That is inappropriate,” pahayag ni Drilon.

Iginiit naman ni Senador Kiko Pangilinan, na huwag ituloy ng NCRPO ang balak para hindi mapagdudahan na mismong mga pulis ang manggugulo sa mga kilos protesta.

“Kung sila ay sinibak dahil sa pag-abuso sa kanilang tungkulin, bakit sila itatalaga para humarap sa mga raliyista,” tanong ni Pangilinan.

“Para mawala ang anumang agam-agam na sa kapulisan pa mag-uumpisa ang panggugulo eh mas mainam na irekonsidera ang nasabing posisyon.,” dagdag nito.

Sa panayam, sinabi ni NCRPO Dir. Oscar Albayalde na patutulungin ang mga kontobersyal na pulis sa pagtiyak ng kaayusan ng mga kilos-protesta.

Sinibak ang lahat ng mga pulis sa Caloocan City matapos na madiin an ilan sa mga ito sa insidente ng pagpatay at nakawan sa syudad.