Una sa Balita

Pulis, apat pa nabiktima ng sindikatong ‘assume tangay’

By
0 233

ARESTADO ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 3 (MPD-PS3) ang dalawang lalaki na miyembro ng sindikato na ‘assume ta­ngay’ matapos na ireklamo ng isang pulis at apat na katao, kamakalawa nang gabi sa loob ng isang casino sa Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay PSupt. Caesar Domingo, station commander ng MPD-PS3, nahaharap ngayon sa kasong carnapping at large scale estafa sa Manila Prosecutors Office ang mga suspek na sina Mark Krismon Gian Rusit y Bofil, 22-anyos, negosyante, at taga-No. 1209 Amaia Skies Subdivision, Avenida St., Sta. Cruz, Maynila, at Christopher Orosco y Egia, 38, driver, ng 2nd Ave., Guadalajara St., Caloocan City .

Ang dalawa ay inaresto ng mga tauhan ng MPD-PS3 dakong alas-6:40 nang gabi sa Winford Hotel Casino sa Sta. Cruz, Maynila matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon na malimit na nakikita ang mga suspek sa naturang casino.

Nabatid na ang mga suspek ay inireklamo ng mga biktimang sina PO1 Jeremy Teruel, 24, mi­yembro ng PNP, at taga-Sampaguita Drive, Deparo-Caloocan City; John Medalla, 43, seaman, ng No. 29 Hillcrest St., Cubao, QC, Henry Tojon, 51, negosyante, taga-B19L7 Phase 2 Ext,. Mabuhay, Paliparan 3, Dasmariñas, Cavite; Emmanuel Cris Sorra, 31, IT admin, at taga-No. 177 Daang Bakal St., Ampid 1, Z-11, San Mateo Rizal; at Wilfredo Billon, 59, company driver, at taga-No. 295 Riverside, Biliran, Binangonan, Rizal.

Ayon sa reklamo ng mga biktima nakilala nila ang mga suspek sa Facebook kung saan kunyari na bumibili ito ng mga sasakyan sa pamamagitan ng assumed balance subalit kanila itong tinatangay at ibinibenta sa iba.