Una sa Balita

Pulis-Antipolo tinadtad ng bala

By
0 3

Patay ang isang pulis matapos itong tadtarin ng bala ng dalawang hindi pa kilalang gunman habang palabas ito ng kanilang tahanan kamakalawa ng gabi sa Antipolo City.

Hindi bababa sa 40 basyong bala ng kalibre .45 baril ang inubos ng mga salarin para mapatay ang biktimang si PO3 Rodolfo Billodo Jr., nasa hustong gulang, nakatalaga sa Police Community Precinct 2 ng Antipolo City Police.

Sa ulat ni SPO2 Carlo Tamondong, ng Antipolo­ PNP, alas-9:45 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng bahay ng biktima sa 4th St., Virginia Summer Ville Subd. sa Barangay Mambugan ng nabatid na lungsod.

Napag-alaman na papasok sa trabaho ang biktima na unipormado pa at kasalukuyang inilalabas ang kanyang kotse sa garahe nang lapitan ng mga suspek na armado ng nabatid na kalibre ng baril at binistay ito ng bala.

Matapos ang pamamaril ay isa pang suspek na nagsilbing lookout ang bigla na lang sumulpot sakay ng isang motorsiklo at ito ang ginawang sasakyan sa pagtakas.