Una sa Balita

PULIS ANG SUPPLIER!

By
0 204

Sumasabog ang rebelasyon ng mga mahal sa buhay ng mga napaslang na drug personalities sa inilunsad na ‘war vs illegal drugs’ ng Duterte administration: sa mga pulis galing ang droga na inilalako ng mga binulagtang tulak.

Sa unang araw ng imbestigasyon ng Se­nate committee on justice and human rights na pinamumunuan ni Sen. Leila de Lima, unang sumalang ang testigong si Harra Kazuo, live-in partner ni Jaypee/JP Bertes na napatay sa loob ng Pasay City Police station kasama ang amang si Renato noong Hulyo 7.

Dito ay sinabi ni Harra na mga pulis mismo ang nagbabagsak ng supply na droga sa kanyang ‘asawa’ at iba pang tulak.

“Sa kanila po mismo nanggaling, sa mga pulis po. May binabagsakan po sila tapos doon po kumukuha ang asawa ko,” sagot ni Harra nang tanungin kung saan kinukuha ng kanyang asawa ang mga supply ng ilegal na droga.

Gayunpaman, nang ipatukoy sa kanya ang mga pangalan ng mga pulis, ang tanging natatandaan lamang umano ni Harra ay ang mga mukha ng mga ito.

Nabatid na nasawi sina Jaypee/JP at Renato Bertes nang mabaril ng mga pulis noong Hulyo 7 sa loob ng Pasay City Police-Station Anti-Illegal Drugs (SAID) dahil sa pang-aagaw umano ng baril.

Humarap din sa pagdinig kahapon ang testigong si Mary Rose Aquino, anak ng mag-asawang Rodelio at Rosalie Campos na natagpuang patay sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Rizal noong Hunyo 22.

Inilahad ni Aquino na ang kanyang ama ay dating driver na kinuhang “aso” o asset ng mga pulis na kinilala lamang nito sa pangalang “Rabe”, “Torres” at “Ong”.

Sumasama umano ang kanyang ama sa operasyon ng pulis subalit imbes na isurender ang nakumpiskang ilegal na droga, ito ay dinadala sa kanilang bahay upang i-recycle.

“Nagpupunta ang pulis sa bahay dalawa hanggang apat na beses kada linggo para mag-deliver ng droga na ire-repack nina Papa,” paglalahad ni Mary Rose.

Ilang beses na rin umanong nag-pot session ang mga pulis na ito sa kanilang bahay. “Gumagamit po ang mga pulis na iyan. Maraming beses ko nang nakita.”

Noong Hunyo 20, nagpaalam ang kanyang mga magulang na aali­s para mag-remit ng P50,000 benta sa droga kay “Rabe”. Ito na ang huling pagkakataon na nakita niyang buhay ang kanilang magulang.

Nakapagpadala pa umano ng text message ang kanyang ina na kapag hindi sila nakabalik nang buhay ay si “Ong” lang ang may kagagawan nito. Nakita ang bangkay ng kanyang ama sa bakanteng lote sa Antipolo habang sa Morong, Rizal naman ang kanyang ina noong Hunyo 22.

Bato nanggigil, sinibak ang mga pulis

Agad namang sinibak ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang mga pulis na sangkot.

“Effective today, i-relieve na ‘yang mga tao na ‘yan, ilagay ko sa admin holding unit at pa-conduct ko ng investigation ang Internal Affairs Service,” diin ni Dela Rosa matapos ang hearing.

“Kung mapu-prove lahat ng pulis d’yan sa Antipolo, buong police commander tanggalin ko lahat,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Agaw-baril? Imposible! — CHR

Iginiit din ng Commission on Human Rights (CHR) na malinaw na mayroong human rights violations sa kaso ng mag-amang Bertes dahil papa­labas pa lamang ng bahay kung saan dinampot ang dalawa ay binubugbog na umano ang mga ito, ayon sa kanilang imbestigasyon.

“The circumstances surrounding the killing show that there was an arbitrary deprivation of life and torture committed by police officers. It’s very unlikely na talagang nang-agaw itong dalawa. Common sense dictates na hindi talaga pupwede,” pahayag ng komisyon.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More