Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Puksain ang maagang pagbubuntis sa gitna ng COVID-19

0 495

Bago pa nagkaroon ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, itinuturing na isang national emergency na ang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa bansa kung saan naging hamon na sa atin ang pagpuksa nito. At ngayong nagkaroon ng krisis dulot ng naturang pandemya, pinangangambahang baka lumobo pa ang bilang ng mga kabataang kababaihan na maging batang ina at huminto sa pag-aaral.

Kung susuriin natin ang mga nagdaang kalamidad o sakuna at iba pang mga uri ng kagipitan o national emergency sa Pilipinas at sa ibang bansa, isa sa mga nakikitang epekto ng mga ito ang pagtaas ng kaso ng maagang pagbubuntis.

Isang halimbawa na dito ang Eastern Visayas nang rumagasa ang bagyong Yolanda noong 2013. Base sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-National Research Council of the Philippines o DOST-NRCP, halos 23.5% ng mga kababaihang teenager ang nabuntis noong panahon iyon.

Ang mas malungkot pa rito, halos 15% ng mga batang inang nanganak nung taon na iyun ang muling nabuntis nang sumunod na taon. Bukod dito, ang mga batang ina ay napipilitang huminto sa pag-aaral at kalaunan ay posibleng mawalan ng pagkakataong magkaroon ng maayos na hanapbuhay.

Dahil dito, lalong dapat paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng kanilang mga programang pang-kalusugan nang sa gayon ay matutukan nang husto ang pagsugpo sa maagang pagbubuntis.

Ang ganitong mga pangyayari ang nag-uudyok sa atin para mas lalong palakasin ang comprehensive sexuality education para sa mga mag-aaral. Isa itong mahalagang hakbangin upang labanan ang maagang pagbubuntis.

Bagama’t bumaba ang bilang ng mga nabubuntis sa mga kababaihang 15 hanggang 19 na taong gulang mula 182,906 noong 2017 hanggang 181,717 noong 2018, tumaas naman ng 63% ang kaso ng mga batang nabubuntis mula edad na 10 hanggang 14. Ayon sa Commission on Population and Development o POPCOM, mula sa 1,381 na kaso noong 2011 sa naturang age group, umakyat ito sa 2,250 noong 2018.

Hindi po natin ito maaaring ipagsawalang bahala. Ngayon dapat mas patatagin ang mga programa upang mapuksa ang maagang pagbubuntis at nang hindi mapagkaitan ang ating mga kabataan ng magandang kinabukasan. Dapat po nating tutukan ang problemang ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.