Una sa Balita

PSL: Arado, General, Pineda ibabangga ng Generika-Ayala

By
0 87

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre)
2:00 p.m. — Foton vs Cignal HD
4:15 p.m. — F2 Logistics vs Sta. Lucia
6:00 p.m. — Petron vs Generika-Ayala

NAIS ng reigning champion Petron na manatili sa tuktok ng team standings kaya paniguradong itotodo nila ang kanilang lakas pagharap sa tigasin ding Generika-Ayala sa Philippine Superliga All-Filipino Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Tangan ang 1-0 card, nasikwat ng Blaze Spikers ang panalo sa Cocolife squad, 25-18, 25-15, 25-18, sa opener.

Magsisimula ang aksyon sa alas-6 ng gabi kung saan muling sasandalan ng Petron sina veteran Aiza Maizo-Pontillas at Frances Molina na mga naging bayani sa kanilang panalo.

Nagtala si Pontillas ng 14 points habang si Molina ay ma 10 hits para sa Blaze Spikers.

Para kay Molina, kahit sila ang nagtatanggol ng korona ay hindi ito nakararamdam ng pressure sa laro.

“Although we’re the defending champions, we’re playing without any pressure and we’re just here to enjoy the game,” saad ni Molina sa event na suportado ng Isuzu, Sogo, Senoh, Asics, Mikasa, Mueller, UCPB Gen at Bizooku. “We have always prepared for every opponent and we are ready to give our best shot e­very game.”

Pero inaasahang hindi magiging madali para sa Blaze Spikers na sikwatin ang pangalawang sunod na panalo dahil palaban din ang Lifesavers kahit galing sila sa talo.

Semplang ang Generika-Ayala sa Foton, 25-20, 21-25, 14-25, 25-19, 5-15, pero ipinakita nila ang kanilang lakas at lumaban sila hanggang sa dulo.

Ibabangga ng Lifesavers sina libero Kathleen Arado at Bia Ge­neral kasama sina Patty Orendain, Bang Pineda at Fiola Ceballos.