Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PSC tuloy suporta sa atleta – Kiram

0 149

IBINAHAGI ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Celia Kiram na patuloy ang pagseserbisyo at pagsuporta ng ahensiya sa mga national athlete ngayong mahigit dalawang taon nang may kinakaharap na pandemya.

“Hindi kami nagkulang sa PSC sa suporta sa ating mga atleta. We didn’t miss on our duties and responsibilities, hopefully ganoon din ang ating mga atleta. Kahit ibinagsak ang kabuhayan ng bansa ng pandemic, patuloy naming ibinigay ang monthly allowances ng mga atleta at coach, gayundin sa kanilang training expenses. Yung iba pumasok sa ‘bubble’ set-up yung iba naman inabutan na sa abroad ng pandemic,” pahayag ni Kiram sa unang sesyon ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Usapang Sports via Zoom nitong Huwebes.

Ayon kay Kiram, “although, regular ang communications namin sa mga Sports Association at sa kanilang mga officials and coaches, yung pananagutan kung nagsasanay ba sila ng tama, sapat ang pagkain at training, kung nasusunod ba yung programa na ibinigay ng coach ay nasa kamay ng mga atleta at mga NSAs concerned,”

At bagama’t apektado ang pagsasanay ng mga atleta na naghahanda para sa 31st Southeast Asian Games dahil sa pandemya, iginiit ni Kiram na ginagawa ng ahensiya ang lahat upang maipagpatuloy ng national athletes ang kanilang training, sa loob nung ‘bubble’ set-up katuwang ang IATF.

“This coming SEA Games, kumpiyansa ako sa kakayahan ng ating mga atleta, but for sure, hindi ganoon katindi ang impact, simply because on the issue of COVID-19. In 2019, yung performance natin ang tindi kasi todo naman ang training hindi tulad ngayon naapektuhan talaga. But, still as what I said earlier, morale obligation nila ang magsanay, kami naman sa PSC todo pa rin ang suporta financially,” wika nito.

Sambit pa ni Kiram, “kami naman sa PSC trabaho pa rin. Kahit na may nagkakaroon na rin COVID-19 sa aming mga frontliners, we make sure na maibibigay pa rin ang pangangailangan ng ating mga atleta, gayundin ang support na hinihingi ng mga NSA at iba pang sports institution tulad ng paglalakad sa visa requirements and tax exemption para sa mga bibiyahe abroad,”

Samantala, pinangunahan rin ni Kiram sa programa ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong halal na opisyal ng TOPS na pamumunuan ni Maribeth ‘Beth’ Repizo-Marana ng Pilipino Star Ngayon bilang bagong pangulo. (Janiel Abby Toralba)

Leave A Reply

Your email address will not be published.