Una sa Balita

Pruweba na gumagana ang criminal justice system

0 253

Eksaktong isang linggo na ang nakalilipas nang mahatulan ng guilty ang tatlong pulis Caloocan sa pagpaslang sa 17-anyos na si Kian delos Santos noong Agosto ng nakaraang taon. Nakatalaga ang tatlo sa Caloocan City Police Station 7 nang patayin nila si Kian, na napatunayang binaril habang nakaluhod sa isang madilim na eskinita sa Brgy. 160, Caloocan.

Ako po ay mayroong dalawang anak, at isa sa kanila ay ka-edad ni Kian. Bilang isang human rights lawyer at higit sa lahat bilang magulang, ikinatutuwa ko ang naging hatol sa tatlong pulis na ito na walang pakunda­ngang pinatay ang isang ino­senteng bata sa ngalan ng Oplan Tokhang. Nararapat lamang na mabulok sa kulungan ang ganitong klaseng mga pulis na walang ginawa kundi ang sirain ang imahe ng PNP.

“Ang paggamit ng dahas sa pagpapatupad sa kanilang tungkulin ay hindi makatwiran kung kaya naman itong maipa­tupad sa ibang pamamaraan. Ang ‘shoot now, think later’ na mentalidad ay hindi kaila­nman masasang-ayunan sa isang sibilisadong lipunan,” ani Judge Rodolfo Azucena sa kanyang desisyon. Tunay nga namang nakakaalarma kapag ang isang buhay ay kinitil nang walang saysay. Lalong nakakatakot kapag ang buhay na ito ay nawala sa kamay ng mga kinatawan ng Estado.

Nais kong bigyang-diin na walang presumption of regularity o hindi pinapalagay na regular ang isang police operation kapag nagdudulot ito sa pagkamatay ng mga suspek. Ayon sa  Rule 15.4 ng Revised Philippine National Police Operations Procedures, kinakailangan ang isang inquest kapag namatay ang isang suspek sa loob ng isang police operation. Kaya naman noong ako ay miyembro pa ng Kamara de Representantes, kinulit ko nang kinulit ang dating hepe ng PNP na si Ronald dela Rosa upang ibigay ang mga hinihingi kong inquest report para sa lahat ng mga namatay sa ilalim ng Oplan Tokhang ng PNP.

Umaasa rin ako na ang naging desisyon ng korte ay magsisilbing pruweba sa mga kritiko ng administrasyon na gumagana ang ating criminal justice system at hindi kailanman napigilan o hinadlangan ang pagsisikap ng pamahalaan na makamit ang hustisya para sa mga biktima ng mga krimen. Tulad na rin ng ilang ulit ko nang nasabi, kaila­ngang mabigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na maim­bestigahan at usigin ang mga pinaghihinalaang EJK bago manghimasok ang International Criminal Court (ICC).

Sa aking talumpati bilang pinuno ng delagasyon ng Pilipinas sa 15th Session of the Assembly of the States Parties to the ICC sa United Nations sa New York nakarang taon, sinabi ko na “handang kumilos ang Pilipinas, tulad ng palagi naming pagkilos upang dalhin sa hustis­ya ang mga lumalabag sa aming batas, at ang mga patuloy na paglilitis sa mga krimeng ito ay dapat na igalang, sang-ayon na rin sa a­ming karapatang soberano at responsibilidad at sa principle of complementarity ng ICC.”

Base sa prinsipyong ito ng ICC, may res­ponsibilad muna ang mga estado na litisiin ang mga krimeng nasa hurisdiksyon ng ICC, kasama na ang tinatawag na crimes against humanity. Dahil dito, may karapatan lamang na magkaroon ng hurisdiksyon ang ICC kapag hindi na gumagana ang national legal system ng mga Estadong mi­yembro nito, o ‘di kaya ay ayaw nila o hindi kayang gampanan ang responsibilidad na ito.

Kaya naman nakalulungkot na hinayaan ng ICC na magamit sila ng mga kritiko ng gobyerno upang siraan ang mga polisiya ng ating Pangulo . Siguro naman ang paghatol sa habambuhay na pagkakulong sa mga pumatay kay Kian ay patunay na hindi lamang ginagawa ng pamahalaan, sa pamumuno ni Pa­ngulong Roa Duterte, ang responsibilidad na pang-internasyondal ng Pilipinas, ngunit handa rin ang criminal justice system sa ating bansa na usigin ang mga krimeng pang-internasyonal.