Una sa Balita

Protesta idismis na! Leni panalo, Bongbong talo

0 1,561

PATULOY ang suporta ng mga sektor kay Vice President Leni Robredo ngayong nakitang mas lumamang pa siya sa recount na ginawa sa protestang inihain ni Bongbong Marcos.

“VP Robredo, tunay na panalo!” sigaw ng mga grupo, na pinangunahan ng Bantay Nakaw Coalition, nang magtipon-tipon sila sa harap ng Korte Suprema sa Maynila nitong Martes, Sept. 17.

Panawagan ng mga sektor sa Korte Suprema, na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal, dapat nang maresolba ang kaso ngayong nakita sa initial recount na mas dumami pa ang boto para kay Robredo, sa tatlong probinsyang pinili mismo ni Bongbong para sana patunayan ang alegasyon niyang nagkadayaan noong halalan ng 2016.

Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa isinagawang pagtitipon sa Padre Faura ang dating Commission on Human Rights chair na si Etta Rosales.

“Nandito tayo para sa katotohanan—katotohanan na ang boto ni Leni Robredo ay lalong lumamang pa, lalong dumami pa sa Negros Oriental, Iloilo, at Camarines Sur,” aniya.

“Nandito tayo bilang kinatawan ng mga mamamayan na talagang tunay na umaasa na ang katotohanan ay lalabas na,” dagdag pa niya.

Nagpahayag rin ng suporta ang iba’t ibang mga sektor na tumulong maiangat si VP Robredo sa pagkapanalo noong 2016.

“Tuloy tuloy na pakikipaglaban, tuloy tuloy na pagsuporta sa tunay na panalo,” ani Kilos Maralita lead convenor Manny Manato. “Ang Supreme Court ay hindi dapat mayanig sa mga paandar ni Marcos. Hindi po tayo magpapadala. Ang Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas ay walang iba kundi si Leni Robredo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy