Una sa Balita

Protektahan ang mga bata, huwag matakot sa bakuna

0 625

Walang ibang hinangad ang mga magulang kung hindi ang malayo sa ka­pahamakan ang ating mga anak. Mula pagkasilang, sinisigurado nina Nanay at Tatay na makakakuha ng maayos na serbisyong medikal ang ating mga anak.

Kaya’t labis na nakakalungkot ang pagtaas ng kaso ng mga batang nagkakaroon at mga namamatay sa tigdas. Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkoles na merong outbreak ng tigdas sa Metro Manila. Tumaas diumano ng 550 porsiyento ang kaso ng tigdas sa Pilipinas mula Enero 1-6 ngayong taon kumpara noong 2018.

Sinabi rin ng DOH na pitong bata ang namamatay araw-araw ngayon sa San Lazaro Hospital. Tinatayang 55 na bata na ang naitatala ng DOH na namamatay dahil sa tigdas. Karamihan sa mga namamatay ay mga batang nasa edad tatlong buwan hanggang apat na taon. Napakasakit nitong isipin.

Ayon naman sa World Health Organization, 367 porsiyento ang itinaas ng mga kaso ng tigdas sa Pilipinas mula Enero hanggang Nobyembre 2017 (3,706 kaso) hanggang Enero-Nobyembre 2018 (17,298 kaso).

Ang tigdas at iba pang tinatawag na pang­karaniwang sakit ay maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna na libreng ibinabahagi ng gobyerno sa mga barangay health center at iba pang pampublikong ospital. Bukod sa tigdas, kasama sa programang pangbakuna ang laban sa tuberculosis, diphtheria, tetano at pertussis, polio, beke, rubella o German measles, hepa­titis-B, at H. Influenza type B.

Ang DOH ay may mandatong alagaan at protektahan ang kalusugan at buhay ng ating mga kababayan. Ang ating mga kawani sa DOH at iba pang health volunteers na naka-assign sa iba’t ibang panig ng bansa ay may malawak na kaalaman at sapat na training tungkol sa isyu ng kalusugan.

Malaki ang tiwala ko sa ating mga doktor at sa pamamahala ng DOH upang gampanan ang kanilang mandato sa pangangalaga ng kalusugan ng buong bansa. Ang payo ko sa mga magulang, huwag po kayong matakot sa programa ng pagbabakuna ng ating gobyerno.

Matagal na nating napatunayan ang kahalagahan at pagiging epektibo ng pagbabakuna ng pamahalaan. Ilang buhay na rin ang nasagip at naalagaan dahil sa mga pangkalusugang programa ng ating pamahalaan.

Huwag po tayong magpadala sa mga haka-haka lalo na kung hindi ito galing sa mga eksperto sa kalusugan. Kumpletuhin po natin ang bakuna ng ating mga anak upang pangalagaan sila laban sa mga kritikal at nakamamatay na sakit.

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanu­ngang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy