Una sa Balita

Propesyonalismo

0 419

Sa ating bansa, may dalawang popular na paraan para matawag na propesyonal. Una, magtapos ng kursong kapag natapos, kukuha ka ng pagsusulit na ibinibigay ng Professional Regulation Commission (PRC).

Dapat kang pumasa sa pagsusulit na ito na tumatagal ng isa hanggang apat na araw. Depende sa kurso mo. Kapag pumasa, lisensyado ka na. Sa ID mo, nakatitiik ang salitang ‘professional’ kasama ang kung saang larangan propesyonal ka. Professional Teacher ang nakasulat sa ID ko na kailangang i-renew tuwing ikatlong taon.

Propesyonal ka dahil may lisensya kang gampanan ang propes-yong iyon. Pero pwede ka ring maging propesyonal kung sa iyong pakikitungo sa kapwa, sa trabahong kahit pa hindi kailangan ang professional license, mabuti ka. Magaling ka. Bihasa.

Pwede rin namang sa teknikalidad propesyonal ka, pero hindi ka propesyonal sa trabaho. Hindi ka propesyonal sa iyong pakikitungo sa kasamahan mo, hindi ka tumutupad sa mga usapan na may kinalaman sa trabaho. Ibig sabihin, maaaring propesyonal ka pero wala kang propesyonalismo.

Kaya ako, mas malaki ang pagpapahalaga sa mga propesyonal sa kanilang kilos at pakikitungo. Propesyonal sa gawa higit sa sinasabi ng kanilang ID na natamo dahilpumasa sa pagsusulit. Hindi dahil sa winawalang bahala ko ang propesyonal o lisensyado. Napakahalaga nito. Sa pagpapagamot halimbawa, sa propesyonal tayo kumokonsulta.

Sa mga pagawain at estruktura, propesyonal dapat. Lisensyadong inhinyero dapat. Dahil dumaan sila sa proseso ng pag-aaral, pagtatapos, at pagpasa sa pagsusulit para matawag na propesyonal na inhinyero.

Kaya hindi lahat ng nagtapos ng pag-aaral sa mga kursong may lisensya bago makapag-practice ng propesyon ay matatawag na propesyonal.

Tugisin muna natin ang ubod ng kahulugan ng salitang propesyonal o professional sa Ingles na may salitang-ugat na ‘profession’. Nagmula sa matandang salitang Latin na ‘professi?’ na ang kahulugan ay dekla-rasyon sa madla. Dekla-rasyon ng kakayahan.

Kaya nga ang pagkakamit ng lisensya mula sa PRC ay deklarasyon sa kakayahan ng may taglay ng ID. Kaya nga ang bawat resulta ng pagsusulit ay inihaha-yag sa madla.

Kaya sa maraming nakapasa, paghahayag ng kasiyahan ang kilalanin bilang propesyonal. Ang kasunod naman ay pagsasagawa ng propesyon nang may propesyonalismo.

Kaya lamang, may nakbabahalaang balita nitong mga nagdaang araw. Itong usapin hinggil sa kinatawan ng party list na pangkabataan. Dahil hindi na kabataan, (malinaw ito sa batas, kung kakatawanin ang kabataan sa Kongreso, dapat kabataan din ang kakatawan) ngayon naman ay sinasabing kakatawanin niya ang mga propesyonal.
Hindi ba napakalaking kabalintunaan na ang kakatawan sa propesyonal ay hindi propesyonal sa kaniyang nais na paglilingkod. Shortcut, palakasan, pagbaluktot sa batas, pagkalunod sa kapangyarihan para lang makalusot sa Kongreso. Matapos ito, tatawaging representative siya ng mga propesyonal.

Hindi maubos-ubos ang kawalanghiyaan sa ating bayan. Pero teka, hindi nga kaya, pwede na ring tawagin ang mga pulitikong ito bilang propesyonal sa pangwawalanghiya? Propesyonal sa pagnanakaw sa kaban ng bayan?

Panatilihin natin ang dangal sa pagtataglay ng salitang propesyonal sa pangalan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa aking Facebook account: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy