Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Problema sa last will, sinolusyunan!

0 247

Magandang araw, mga Kakampi!

Karamihan ng nilalapit sa ating problema ay may kinalaman sa ari-arian. Madalas, may kinalaman ito sa isyu ng lupa o iba pang ari-arian na namana sa kanilang mga magulang o iba pang mga kamag-anak.

Sa tagal ko nang abogado, ilang beses kong nasaksihan na nasisira ang matibay na samahan ng mga magkakamag-anak sa ganitong uri ng problema.

Madalas, humahantong ito sa matinding away at demandahan para lang sa ari-ariang naiwan ng kanilang mahal sa buhay.

Nakakalungkot na kung minsan, hindi na nagkakaayos ang mga magka-kamag-anak na ito hanggang naipasa na ang sigalot sa kanilang mga anak at mga apo.

Ganito ang sitwasyong inilapit sa atin ni Gloria ng Tarlac sa ating Free Legal Helpdesk. Naririto po ang kanyang problema:

Atty Chel, ask ko lang kong ano ang nalabag na batas, ano ang puwedeng kaso at ano ang puwedeng gawin sa sitwasyon namin. May iniwan pong lupa yung tatay ng lolo ko sa lola ko, patay na po yung tatay ng lolo ko at ang aking lolo. May iniwan pong letter kong saan sinasabi na sa lola ko mapupunta yong lupa, ngayon po nagpatayo ang mga kapatid ng lolo ko ng building doon. Walang notice o agreement na nangyari, wala kaming alam na nagpapatayo sila sa lupa na pagmamay-ari ng aking lola. Ano po ang gagawin namin or ano pong batas ang nilabag nila?

Gloria, ang pinakamahalang bagay na dapat nating malaman ay kung ang nabanggit mong sulat ay sumunod sa mga requirements ng isang will sa ating Civil Code para maging epektibo ang pagmana ng inyong lola.

Kung ang sulat ay hindi nakasunod sa formal requirements ng will batay sa Civil Code, wala pong karapatan ang inyong lola sa lupang nabanggit.

Ang holographic will ay dapat sulat-kamay, nilagyan ng petsa, at pinirmahan ng testator. Walang ibang form na kailangan at maaaring gawin kahit sa labas ng Pilipinas at hindi kailangan ng witnesses. Hindi po ito kailangan na notarized.

Ang notarial will naman ay dapat in writing at nasa wika na alam ng testator. Pwede po itong printed. Kailangan po itong pirmahan ng testator sa dulo. Kailangan po itong attested at subscribed ng 3 o higit pang saksi sa harap ng isa’t isa at ng testator.

Kailangan din po itong pirmado ng testator at lahat ng witnesses sa bawat page sa kaliwang margin, at lahat ng pahina ay dapat may bilang na akma sa mga letra na nakalagay sa itaas na bahagi ng bawat pahina.

Mayroon din dapat itong attestation clause kung saan nakalagay: (1) kung ilang pages ang nagamit para sa will; (2) na ang testator ang pumirma sa will at sa bawat page nito sa harap ng mga witnesses; (3) na ang mga witnesses ay nakita ang pagpirma ng testator at pumirma ang mga ito sa will at sa lahat ng pages nito sa harap ng isa’t isa at ng testator. Kailangan po na notaryado ang will na ito.

Muli, kung ang sulat ay di sumunod sa isa sa mga nabanggit na porma, masasabing ang will ng tatay ng inyong lolo ay hindi valid at hindi tagapagmana ang inyong lola at wala siyang karapatan sa lupa.

Kung sumunod naman, mayroon pa ring karapatan ang mga kapatid ng inyong lolo sa lupa. Kung ang mga magkakapatid ay puro legitimate children, 1/2 ng lupa ay paghahatian ng magkakapatid (kasama po ang inyong lolo). Para sa mga yumaong lolo ninyo at sa mga kapatid niyang yumao na rin, ang magiging tagapagmana ng kanilang share ay ang kanilang mga anak (kasama ang inyong tatay/nanay) pero maghahati lamang ang mga anak na ito sa share ng kanilang mga magulang. Ang natitirang 1/2 naman ay mapupunta na sa inyong lola bilang free portion na naibigay sa pamamagitan ng will.

Kung sakaling may mga legitimate at illegitimate child ang tatay ng inyong lolo, pareho ang makukuha ng mga legitimate children ayon sa nakasaad sa itaas. Ang illegitimate children naman ay makakakuha ng share na equal sa kalahati ng share ng bawat isang legitimate child. Kung ano ang matitira ay ang free portion na siyang mapupunta sa inyong lola. Kung sakaling hindi kasya ang free portion, babawasan ang share ng illegitimate children para magkasya ito.

Gloria, sana makatulong sa iyo ang aking paliwanag ukol sa iyong inilapit na usapin. Maraming salamat sa iyong liham.

-ooo-

Mga Kakampi, kung may gusto kayong malaman tungkol sa batas, bukas po ang FREE LEGAL HELPDESK para sa inyo. Pumunta lang sa facebook.com/cheldiokno at i-click ang “Send Message”. Dapat PANTAY PANTAY SA HUSTISYANG PANDEMYA!

Leave A Reply

Your email address will not be published.