Una sa Balita

Problema kay Standhardinger

By
0 1,274

LOADED ng talent ang San Miguel Beer. At lalo pang lumalim ang bench ng kopo­nan nang dumating si Christian Standhardinger.

Sabi nga ng maraming katoto, hatiin mo sa dalawa ang line-up ng San Miguel at ang kalahati nito ay magiging starter sa ibang koponan. Sa practice, walang problema ang coaching staff dahil pare-parehong mata­taas ang basketball IQ ng bawat manlalaro.

Pero siyempre, alam ng second team ng koponan kung sino ang mas biniyayaan. At kasama na sa mga mas biniyayaan si Standhardinger.

Pero hindi naging maganda ang debut ng Fil-German sa SMB at sa PBA. Pinisak ng Meralco ang SMB sa iskor na 93-85 noong Miyerkoles. Maski na triple tower ang frontline ng SMB ay hindi ito umubra sa mga bata ni Coach Norman Black.

Pero maging si Black ay naniniwalang hindi magtatagal at makikita din ng coaching staff ng SMB kung papaano gamitin nang tama ang frontline ng SMB na mas lalong tumaas dahil sa pagdating ni Standhardiner.

Pareho ng sitwasyon ang SMB at Ginebra. Noong nakaraang Biyernes, ginamit ni Coach Tim ang triple tower ng koponan na sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar at import na si Charles Garcia. Ang resulta ay isang masigabong 105-91 na panalo laban sa Blackwater.

Siyempre, may mga magsasabing ‘di naman hamak na mas maga­ling ang Meralco kaysa Blackwater. Nandoon na tayo. Pero dahil nga pinisak ng SMB ang kalaban noong Philippine Cup, wala dapat problema maski na Meralco ang kalaban.

Hindi naman worried si Coach Leo Austria. First game pa lang ‘yun ng koponan at naniniwala siyang madaling makakabawi ang kanyang mga manlalaro at hindi magtatagal ay masasanay din si Standhardinger sa sistema ng koponan.
Maging si June Mar Fajardo ay kumbinsi­dong sa mga susunod na laro ng SMB ay lalabas din ang totoong laro ni Standhardinger at mabibigyan niya ng tulong ang koponan.

Sa madaling-salita, wa­lang dahilan para mag-panic.

Sabi nga ng mga katoto, napakaganda ng problemang kinakaharap ngayon ng SMB. Ang problema ay kung papaanong mabibigyan ng magandang minuto ang bawat manlalaro ng koponan at kung papaanong madadala agad sa sistema si Standhardinger.

Kapag nangyari ito, tiyak na sa kangkungan pupulutin ang mga kalaban.

Teka, papaano kapag nagharap ang SMB at Ginebra? Kaninong triple tower tayo papanig?