Una sa Balita

Probinsyano nadenggoy ng illegal recruiter

By
0 860

Paalala sa mga naghahanap ng trabaho lalo na sa mga taga-probinsya na huwag basta maniwala sa nag-aalok ng trabaho.

Isang lalaki ang gutom at pagod na pagod na nagtungo sa himpilan ng pulisya sa Navotas para ireklamo ang isang babae na tumangay ng kanyang pera matapos mangakong bibigyan siya ng trabaho sa Maynila.

Sa ulat ni SPO1 Aranacio Asuncion ng Navotas City Police, bandang alas-sais ng umaga nang dumating sa kanilang himpilan ang biktimang si Mike Mendoza, 26-anyos, tubong-Nueva Ecija na ilang araw na rin umanong nagpapa­ikot-ikot kung saan-saan matapos na iwanan siya ng kanyang recruiter at hindi na binalikan pa.

Ayon sa biktima ay kumatok lamang umano sa kanilang bahay sa Nueva Ecija ang suspek na nagpakilala sa ­pangalang Mary Jane ­Gonzales at inalok siya ng ­trabaho sa Maynila. May ­ipina­ngakong sahod at mabilis na pagkakapasok sa trabaho kaya agad siyang nakumbinsi na sumama dito.

Sabado ng umaga nang lumuwas sila ni Gonzales at nang makarating na sa Maynila ay bumiyahe pa umano na sakay ng jeepney at buma­ba sa C4 Road, Lungsod ng Navotas.

Agad umanong kinuha sa kanya ng suspek ang lahat ng mga requirement na hinihingi sa umano’y trabaho kasama ang pera na kinakaila­ngan sa paglalakad ng mga papeles ng biktima saka nagpaalam na aalis lamang umano sandali at babalikan siya pagkatapos niyang maipasa ang mga ito.

Mula umano noon hanggang buong araw ng Martes ay hinintay niya ang suspek ngunit hindi na ito bumalik. Dito na niya naisipan na mag-ikot hanggang sa makita niya ang himpilan ng pulisya at humingi na ng saklolo.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbes­tigasyon hinggil sa nasabing insidente ang pulisya at kasalukuyan na ring pinaghahanap ang nasabing suspek.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy