Una sa Balita

Pro-Duterte prosecutor na ‘bias’ sa Kian slay case pinasisibak

By
0 5

Dapat sibakin sa puwesto ang prosecutor ng Caloocan City na si Darwin Cañete dahil umano sa ‘bias’ na komento nito sa social media hinggil sa pagkamatay ng Grade 11 student na si Kian Loyd De los Santos sa anti-drug operation ng Northern Police District (NPD).

Ayon kay Sen. Franklin Drilon, marapat lamang na sibakin sa puwesto ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre si Cañete dahil halatang may kinikilingan ang piskal sa kanyang pagbibigay ng opinion, bagay na binanatan ng netizens.

Sinabi ni Drilon na tila inaabogado o pinagtatanggol ni Cañete ang Caloocan police na nakapatay kay Kian, kung susumahin ang post ng piskal sa kanyang social media account.

Nakababahala aniya ito sa isang piskal na katulad ni Cañete dahil pinakikita na nito ang kanyang pagpanig sa mga pulis gayong hindi pa naman nito nakikita ang mga ebidensya sa pangyayari.

Naniniwala si Drilon na hindi babalewalain ni Sec. Aguirre ang ganitong asal ng piskal lalo pa’t may kinalaman ito sa national issue patungkol sa inhustisya sa ilalim ng war on drugs ng Duterte administration at ang lumalakas na panawagan na kondenahin ang extra judicial killings sa bansa.

Si Prosecutor Cañete ay kilala umanong supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya nangangamba ang senador na magkakaroon ng duda ang publiko sa kahihinatnan ng imbestigasyon ng gobyerno sa Kian slay case na pinakahuling casualty sa Tokhang reloaded o Oplan Double Barrel Reloaded ng Philippine National Police (PNP).