Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pro-China stance ni BBM, inaasahan

0 136

PRAGUE – Nakatuon ang mata ng buong mundo sa magiging resulta ng katatapos na halalan. Sentro ng mga balita sa ibayong dagat ang nakaambang pagwawagi ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Kung mangyayari, ito ay isa na namang panibagong tala na maituturing para sa kasaysayan ng ating bansa kung saan ang isang apelyido na pinandirihan sa loob ng maraming taon ay makakabalik muli sa kapangyarihan.

Si Bongbong ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na pinatalsik sa isang military-backed People Power revolution noong 1986.

Ang pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang ay may kaakibat na sari-saring implikasyon sa ugnayang panlabas ng Pilipinas at sa magiging direksyon ng foreign policy ng susunod na administrasyon.

At dahil sa patuloy na umiinog na sitwasyong panseguridad sa buong mundo, di tayo nagtataka kung mag-alala man ang ilang malalapit na kaalyadong bansa ng Pilipinas sa pangunguna ng Estados Unidos sakaling si Bongbong ang maging susunod na pangulo.

Unang-una, hindi na naman lihim ang pagiging malapit nitong si Bongbong sa China. Ito ay isang relasyon na nag-ugat pa noong panahon na presidente pa ang kanyang ama kung saan naitatag ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Tsina noong 1975.

May ilang beses din natin nakasabay sa ilang mga pagtitipon ng Embahada ng Tsina sa Maynila itong si BBM maging noong ito ay senador pa at nakita natin ang mainit na pagtanggap na ibinibigay sa kanya ng mga Tsino.

Idagdag pa natin ang napipintong panalo rin nitong si Sara Duterte-Carpio na vice-presidential tandem ni Marcos Jr. Si Sara ay anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na kilalang malapit na kaalyado nila Chinese President Xi Jinping at Russian President Vladimir Putin.

Saan hahantong ang pro-China administration ni Bongbong?

Inaasahang mas lalawak pa ang magiging impluwesniya ng Beijing sa Pilipinas ‘di lamang sa larangan ng negosyo kundi maging sa mga magiging desisyon ng Pilipinas sa entablado ng pandaigdigang ugnayan.

Mas malamang na tuloy ang ligaya ng mga China-funded projects, ang mga joint-venture ng dose-dosenang reklamasyon ng ating mga karagatan, at higit sa lahat, ang pamamayagpag ng mga Chinese militia at coast guard vessels sa South China Sea.

Ang magiging polisiya ni Marcos sa South China Sea

ay mahalagang binabantayan ng Estados Unidos, Australia, Japan, Canada, India, ilang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at maging ng mga bansa sa loob ng European Union (EU) hindi dahil gusto lamang nila makialam. Ito ay may kinalaman sa mas malawak na security interest ng buong mundo.

Kailangan ng Pilipinas at ng mga kaalyadong bansa nito na seguruhin na ang kanilang mga barko ay malayang makapaglalayag sa malawak na tubig ng South China Sea kung saan halos US$6 trilyong kalakal ang dumadaan kada taon.

Hanggang sa ngayon ay ‘di pa rin nilulubayan ng Tsina ang malawakang pang-aangkin nito sa karagatang ng South China Sea, isang malinaw na pagsuway sa naging pasiya ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague noong July 2016. Ito ay isang pandaigdigang korte na umiiral sa ilalim ng United Nations kung saan dinedesisyunan ang ano mang usapin na may kinalaman sa Law of the Sea.

Malaki ang posibilidad na itutuloy lamang nitong si Bongbong ang polisiya ni Duterte ukol sa South China Sea, ang pagsasantabi ng Arbitral Award bilang utang na loob sa suporta.

Kung magkagayon, ito ay magbibigay ng panibagong pintuan ng korapsyon sa mga papasok na mga manunungkulan gaya ng mga gutom na gutom na buwitre.

Alam na alam ng kalaban ang kahinaan ng maraming Pilipino— korapsyon. Kaya nga marami ang gustong mapuwesto hindi naman dahil gusto talaga maglingkod kung hindi dahil lamang sa pakinabang.

Sa ilalim ni Duterte, marami ang nagsamantala at nagsiyaman gamit ang “open door policy” ng administrasyon para sa mga dayuhang Tsino.

Habang isinusulat natin ito, isang journalist friend mula sa Uganda ang interesadong nagpadala sa atin ng mensahe upang alamin kung sino ang magwawaging pangulo sa Pilipinas.

Ang Uganda, gaya ng Pilipinas sa ilalim ni Duterte, ay isa sa mga malapit na kaalyado ng Tsina at kasapi din sa Belt and Road Initiative na infrastructure funding project na inilunsad ni Xi Jinping.

Walang gatol na sinagot ko ang tanong ng aking Ugandan colleague na si Marcos ang tila magwawagi.

Ito naman ang kanyang reaksyon: “The return of the Marcos’ family to power is really bizarre. I thought Philippines had a memory like that of an elephant (Ang pagbabalik sa kapangyarihan ng pamilyang Marcos ay kakaiba. Akala ko pa naman ang Pilipinas ay may alaala na sinlaki ng sa isang elepante).”

Leave A Reply

Your email address will not be published.