Una sa Balita

Priority bills naipasa

0 248

Binulabog tayo sa nangyaring panununog sa planta ng Abante sa Sucat, Parañaque noong Lunes, Set­yembre 9.

Mabuti at pasa­lamat sa Diyos dahil walang masyadong napuruhang mga kasamahan natin sa Abante at Tonite.

Nakakabahala ang nasabing krimen dahil patunay ito na may mga tao o grupong handang gumawa ng kasamaan para lamang pagtakpan ang kanilang kabuktutan.

Pero dahil nasa larangan ng paghahatid ng balanseng impormasyon ang Abante, naniniwala ako na hindi kayang harangin ng sinuman ang malinis nitong intensyon na paghahayag ng katotohanan.

Pasasaan din at babagsak din sa mga kamay ng batas ang mga nasa likod ng krimen lalo na’t todo ang suporta ng gobyerno para labanan ang mga kumikitil sa press freedom.

***

Tatlong priority bills ang agad na naipasa ng Kamara halos dalawang buwan pa lamang matapos na magsimula ang unang regular na sesyon ng 18th Congress.

Buwena-mano sa mga naaprubahang batas sa ilalim ng liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano noong Agosto 20 ay ang panukalang naglalayong dagdagan ang excise taxes para sa alcohol, tobacco at vaping products.

Related Posts

Sumunod na naaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 304 o ang ‘Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act’ at HB 300 o ang ‘Amendment of the Foreign Investments Act’ na pawang magsusulong sa ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng mga Pinoy.

Aminado ang mga kongresista na malaki ang nagawa ng maayos at epek­tibong liderato ni Cayetano sa pagpasa ng tatlong mahahalagang batas na magbibigay ng positibong epekto sa ekonomiya ng bansa.

Anila, nagkakaisa rin sila na dapat bigyan ng kredito si Cayetano dahil napatunayan niyang kayang magbuklod at magkaisa ang puwersa ng mga magkakalabang mambabatas para sa kabutihan ng sambayanang Pilipino.

Kumbinsido rin ang mga kongresista na nakatulong ang malawak na karanasan ni Ca­yetano bilang dati na ring mambabatas at diplomat bago siya mahalal bilang pinuno ng Lower House para epektibong pamunuan ang Kamara na binubuo ng mahigit sa 200 kongresista.

Anila, napatunayan ni Cayetano na sa gitna ng mga magkakaibang pananaw sa kanilang hanay, maaari silang magkaisa at magsulong ng mga batas nang walang ingay, gulo o kontrobersi­yang pagpipistahan ng publiko.

Nauna nang ipinangako ni Cayetano na sa sandaling maluklok siyang lider sa Kamara, isusulong ng kanyang liderato ang mga batas na magpapa­ginhawa sa bawat Pilipino.

Well hindi nagkamali si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagluklok kay Ca­yetano dahil hindi ito naging sakit ng ulo. Kaya subayba­yan natin ang takbo ng Kamara kung hanggang sa pagtatapos ay suwabe pa rin. Abangan!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy