Una sa Balita

Pringle gustong putulin MVP streak ni Fajardo

MATIRA MATIBAY!

By
0 558

Mga aktibidad ngayon:
(Enero 13 / Philippine Arena)
4:00 pm – 43rd Season Leo Awards
5:00 pm – 44th Season Opening Ceremonies
6:30 pm – Brgy. Ginebra vs TNT Katropa

KAPWA nakatutok sa pagtatala ng kasaysayan sina June Mar Fajardo ng San Miguel Beer at Stanley ­Pringle ng NorthPort Batang Pier subalit isa lamang sa kanila ang inaasahang mahihirang na Most Valuable Player (MVP) sa gaganaping 43rd Season Leo Awards kasabay ng pagbubukas naman ng 44th Philippine Basketball Association (PBA) sa Philippine ­Arena sa Bocaue, Bulacan ngayong araw.

Sinadya ng liga na iwanan ang tradisyunal nitong pagsasagawa na awarding ceremony sa pagtatapos ng taon dahil na rin sa pagbibigay-suporta sa kampanya ng pambansang koponan na sumabak sa 18th Asian Games pati na rin sa ginaganap na FIBA Basketball World Cup Asian qualifier.

Gayunman, napuno ng interes at inaasahang sorpresa ang Leo Awards dahil sa mahigpit na labanan sa pagitan nina Fajardo, na hangad ang kanyang makasaysayang ika-limang sunod na karangalan bilang Most Valuable Player, at ni Pringle, na siya namang nanguna sa overall statistical points sa pagtatapos ng tatlong kumperensiya.

Ang 6-10 center na si Fajardo ay agad naging kandidato sa pinakaa­asam na pinakamataas na karangalan sa liga sa pagiging Best Player of the Conference ng unang dalawang kumperensiya bago ito dalawang beses lamang naglaro sa panghuling torneo na Governors’ Cup dahil sa injury.

Sorpresa naman na pinamunuan ni Pringle ang overall statistical points sa pagtatapos ng ika-43 season upang umasa na maiuwi ang kanyang unang titulo bilang MVP at putulin ang dominasyon ni Fajardo sa karangalan.

Ipamimigay din ang iba pang ­tampok na awards para sa mga kabilang sa Mythical Team, Most Improved Player at ang inaabangan na Rookie of the Year.

Sisimulan ang 43rd Season Leo Awards sa ganap na alas-kuwatro ng hapon bago agad na sundan ng tradisyunal na parada ng 12 kalahok na koponan kasama ang kanilang mga muse para sa opening ceremony bago ang tampok na unang laro sa pagitan ng popular na Barangay Ginebra at ang TNT Katropa sa ganap na alas-sais ng gabi. ()