Una sa Balita

Prime Water-Villar sugapa sa kita

0 364

IMBIYERNA ang isang konsumer­ ng Prime Water Infrastructure Corporation­ nang makatanggap ng bill gayong wala pang gripo ang kanyang bahay sa Bacoor, Cavite.

Kaya naman agad sumugod sa homeowners association ng La Residencia de Bacoor sa Cavite ang hindi­ na pinangalanang consumer na nagpapa­gawa ng bahay sa lugar nang makatanggap ng bill mula sa Prime Water ng pamilya Villar.

Nabatid na wala pa umanong kahit anong nakatayo sa lote kaya la­king pagtataka nito at may natanggap na bill.

Ayon sa opisyal ng homeowners association, hindi pa nasimulan ang paghuhukay para sa pundasyon ng may-ari ng lote at kalalagay lamang ng Prime Water ng metro sa lote kaya’t nagulat sila nang may pinadala nang bill ang Prime Water sa lot owner.

“Ibang klaseng ganid talaga. Metro nga lang iyan at wala pang nakakabit kahit na gripo, may billing na agad. Samantala ang dami-dami naming­ reklamo, walang ginagawa,” dagdag­ ng opisyal ng homeowners association.­

Iginiit pa nito na kakareklamo lang ng isa namang homeowner dahil putik na ang lumalabas sa gripo ng kanilang washing machine at mga puti pa naman ang kanilang nilalabhan.

Ang billing ay para sa buwan ng Peb­rero 2020 at ang due date ay sa Peb­rero 27, 2020.

Nag-email ang Abante sa Prime Water para tanungin ang patakaran nito ngunit wala itong ibinigay na pahayag.

Ang La Residencia de Bacoor ay isa sa mga naunang development ni da­ting senador Manny Villar na siya ngayong pinakamayamang negosyante­ sa Pilipinas. (Eileen Mencias)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More