Una sa Balita

Prime Water todo kabig kahit walang tulo

0 325

MULI na namang umani ng batikos ang kompanyang Prime Water Corporation na pag-aari nina dating Se­nate President Manny Villar at misis nitong si Senadora Cynthia Villar dahil sa umano’y buraot na singil nito sa kanilang water delivery matapos humina kamakailan ang supply ng tubig sa Tagaytay City.

Base sa Facebook post ni Teresita C. Lucero, 10 araw nang walang supply ng tubig sa kanyang kinalalagyan sa Tagaytay kaya’t nagpasya na ang pamunuan ng Prime Water sa nasabing lungsod na magrasyon ng tubig sa mga apektado nitong customer.

Ikinainit ng ulo ni Ginang Lucero ang umano’y garapal na paniningil ng water company ni Villar ng delivery charge na P70 per drum ng tubig na dadalahin sa tahanan ng mga apektadong customer ng Prime Water samantalang nagbabayad naman sila ng minimum na P275 kada unang 10 metro kubiko ng tubig.

“Prime Water-Tagaytay bakit may bayad ang request na deliver ng tubig nyo? Di ba may minimum charge kayo? Grabe na kayo… P275 minimum charge P70 per drum ang deliver ng tubig nyo. Obligasyon nyo magdala ng tubig sa consumer diba?” giit ni Lucero.

“Grabe na kayo sa pera… Pabulok ng pa­bulok sistema nyo,” dagdag pa ng ginang.

Sa isa pang post, inihirit pa ni Lucero na ‘naging bulok’ ang sistema sa Tagaytay City sapul nang i-takeover ng mga Villar ang Tagaytay City Water District.

“Minimum charge pa din ang rate niyo, wala naman kayo binibigay na tubig,” wika ng residente ng Tagaytay City.

“Prime Water, malulunod kayo sa pera ng consumer mamanasin kayo sa katakawan niyo… mahiya naman kayo, kikita kayo ng pang pakain sa pamilya niyo na hindi nyo nagagampanan ang tungkulin nyo,” dagdag pa ni Lucero.

Nanawagan si Lucero sa pamahalaang panlungsod ng Tagaytay na aksyunan agad ang problemang hatid ng takeover ng Prime Water.

Nangyari ang nasabing insidente ilang araw lamang bago pumutok ang Taal Volcano.

Sa kasalukuyan ay wala na ring supply ng tubig sa buong Tagaytay matapos mawalan ng kuryente ang kalahati ng nasabing lungsod simula pa noong Linggo — kabilang na ang lugar kung saan nakapuwesto ang main pump ng Prime Water matapos ang pag-alburuto ang Taal.

Wala pang komento ang Prime Water sa reklamo ni Lucero. (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More