Una sa Balita

Presyo ng petrolyo lumobo ng P3 ngayong Mayo

By
0 1,450

NAGBABADYANG muling tumaas ang presyo ng diesel at gas ngayong linggo dahil sa pagsirit ng presyo ng Brent crude oil sa world market sa $80.50 per barrel, ang pinakamataas sa loob ng apat na taon.

Ayon sa datos ng Department of Energy­, mahigit tatlong piso na ang tinaas ng pres­yo ng diesel at gas kada litro ngayong Mayo.

Kung titingnan sa umpisa ng taon, P7.30 kada litro ang tinaas sa presyo ng diesel, P6.70 naman ang gas, at P6.85 sa kerosene.

Noong May 22 ay sumipa na sa P41.40 hanggang P47.78 kada litro ang presyo ng diesel at P50.85 hanggang P60.85 ang gas.

Nakipag-usap si E­nergy Secretary Alfonso Cusi nu’ng isang linggo sa mga oil company at stakeholder para mapagaan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis.

Nag-abiso ang mga kompanya ng langis sa pulong na maaari silang magbigay ng mga diskuwento at magpalawig ng corporate social responsibility program para masuportahan ang transport sector.

Isasapormal ang usapan sa isang me­morandum of agreement na pipirmahan pa lang.

Nakikipag-usap din ang DOE sa Department of Finance tungkol sa excise at value added tax (VAT) na ipinataw sa mga produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law nu’ng Enero.

Sa ilalim ng TRAIN Law ay nagkaroon ng excise tax na P2.50 kada litro ng diesel at P7 kada litro ng gas.

Tataas ang excise tax sa susunod na taon sa P4.50 para sa diesel at P9 para sa gas.

Inaasahan naman ng ibang bumaba ang presyo ng langis sa world market nga­yong linggo dahil sa balitang lalakihan ng Russia at Saudi Arabia ang produksyon nila ng langis.