Una sa Balita

Presyo ng mga school supply hindi tataas – DTI

By
0 1,846

TINIYAK kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi tataas ang presyo ng mga school supply sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa Hun­yo 4 ng taong kasalukuyan.

Ayon kay DTI Undersecretary for Consumers Protection Group Ruth Castelo, wala silang nakikitang rason para itaas­ ang presyo ng mga school supply sa mga pamilihan.

Tanging ang papel ang nagkaroon ng bahagyang pagtaas ng pres­yo bunsod din ng pagtaas ng pres­yo ng mga raw material na ating ini­aangkat.

Nauna nang inihayag ng DTI na tumaas na ang mga raw material sa paggawa ng papel na inaangkat pa mula sa bansang China.

Mula piso hanggang tatlong piso ang itinaas, tulad ng 80 leaves notebook habang ang grade pad paper mula singkuwenta sentimo hanggang P3.25 sentimo ang itinaas.

Nagmahal din ng mula piso hanggang P5.00 ang intermediate pad.

Kasunod nito ipinaalala ng DTI na bukas ang kanilang diskwento caravan kung saan makakakuha ng 10 hanggang 50% discount sa mga school supply.

Ang diskwento caravan ay matatagpuan sa tanggapan ng DTI sa Gil Puyat Ave, Makati City hanggang ngayong araw mula alas-otso nang umaga hanggang alas-singko nang hapon.

Pagtitiyak pa ng DTI, magkakaroon din ng diskwento caravan sa iba’t ibang panig ng bansa na kaagapay ang mga LGU bago sumapit ang pagbubukas ng klase.