Una sa Balita

Presyo ng langis bumababa, inflation lumalambot

0 808

Good news na sa kabila ng nararanasan natin inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay may mga pangyaya­ring nagpapabanayad sa matinding epekto nito sa mga Pilipino. Nitong mga nakaraang linggo ay sunod-sunod ang anunsiyo ng pagbaba ng presyo ng gasolina at diesel. Taliwas ito sa mga naunang linggo at buwan kung saan sunod-sunod naman ang pagtaas ng presyo ng nasabing commodity.

Ang presyo ng imported na gasolina at krudo ang sinasabing isa sa malaking factor na naghuhudyat kung tataas o bababa ang presyo ng bilihin. Nakasalalay sa umiiral na presyo ng langis ang magiging presyuhan ng pang-araw araw na bilihin sa merkado tulad ng bigas, gulay, isda at karne. Ito’y sa dahilang ginagamit ang gasolina, diesel at kerosene sa produksyon ng mga bilihin – mula sa pagpupunla ng palay at gulay, sa pag-aani at pag deliver sa mga merkado. Kailangan ito ng mangingisda, poultry at hog raisers sa pagpapatakbo ng bangkang motor at sasakyan upang ma-deliver ang mga isda, manok, baboy at baka sa mga fish port at palengke.

Kung kaya’t magandang balita ang sunod-sunod na anunsyong pagbaba ng presyo ng gasolina. Makakatulong itong marendahan ang inflation, katuwang ang lumalakas na halaga ng piso kumpara sa dolyar.

Subalit hindi tayo dapat makampante sapagkat mabilis magbago ang presyo ng langis sa world market. Sa isang iglap ay maaaring magmahal na naman ang presyo ng angkat na langis sa sandaling i-pressure ng US ang China at iba pang bansa na tumigil sa pagkuha ng langis sa Iran. Dulot ito ng sanction o pag disiplina na gustong ipataw ng US sa Iran dahil sa pagkakadawit ng huli sa mga conflicts sa Middle East. Nais ng US na tuluyang putulin ng malalaking bansa ang pag angkat ng la­ngis sa Iran. Ang China, India Italy, Japan, South Korea, Greece, Taiwan at Turkey ang pinakamalaking importers ng oil sa Iran.

Sa Senado ay nakasalang sa diskusyon ang Rice Tariffication bill na ini-sponsor ni Senator Cynthia Villar. Hinahabol naming maipasa ito bago matapos ang taon upang maka­tulong sa pagbawas ng inflation. Dapat lang siguruhin na ang lahat ng makukuhang duties o buwis mula sa taripa ng bigas ay magagamit para tulungan ang mga magsasakang madagdagan ang kaalaman sa farming at produksyon ng bigas.

Pinag-aaralan rin natin ang pag-file ng bill na lilikha sa Department of Fisheries and Aquaculture upang masubaybayan ang tumataas na presyo ng isda. Masyadong malawak at marami ang pinapangasiwaan ng Secretary of Agriculture.

Sa ganitong paraan, mas madaling masolusyunan ang mga problemang may kinalaman sa fisheries at aquaculture, katulad ng pagtaas ng presyo ng bilihing isda, makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pangingisda na maaaring ipagamit sa ating fishermen upang madagdagan, kundi man ma-doble, ang produksyon ng isda at maiwasan ang madalas na insidente ng fish kill. Sa pagtutulungan natin ay uunlad ang buhay ng bawat Pilipino.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy