Una sa Balita

Presyo ng gamot dapat abot-kaya ng masa

0 380

Kasalukuyang nahaharap ang bansa sa napakaraming banta sa kalusugan. Sa loob ng mahigit isang dekada, ngayon lamang ulit tayo nagkaroon ng napakaraming panganib sa buhay at kalusugan. Sa datos ng Department of Health (DOH) nitong Agosto 31, ang dengue ay lalong lumala kung saan mahigit isang libong tao na ang namamatay dito ngayon at kalahati dito ay mga bata edad 5-9 na taon.

Sa kaso ng tigdas, mayroong 550% na pagtaas ngayong 2019 kumpara noong 2018. At matapos ang matagal na panahon na tayo ay polio-free, nanumbalik ang polio at isa sa pina­kabulnerableng lugar ay ang Bangsamoro Auto­nomous Region. Patuloy na lumolobo pa rin ang problema ng teenage pregnancy, at tayo pa rin ang number 1 sa pagtaas ng HIV-AIDS sa buong mundo.

Bilang isa sa mga may-akda sa Senado, mahalaga ang pagpasa natin ng Universal Health Care (UHC) Law para harapin ang mga hamon na ito. Ngunit mayroong isang isyu na hindi maaa­ring gamutin ng UHC Law – ito ay ang presyo ng gamot na hindi na maabot, lalo na ng masa nating mga kababayan.

Base sa datos ng Philippine Natio­nal Health Accounts, 41% ng gastos sa kalusugan sa ating bansa ay sa gamot napupunta. Mataas ito kumpara sa ibang bansa na 19.7% lamang sa mga mayayamang bansa at 30.4% sa mga mahihirap na bansa. Bakit mas malaki ang nakakain sa health care expenditure ng gamot sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa? Hindi kaya dahil ang presyo ng mga gamot dito ay sobrang taas kumpara sa ibang bansa?

Nakakaalarma ang mga datos na nagsasabi na ang presyo ng mga gamot sa Pilipinas ay nananatiling mataas at hindi abot ng karamihan sa atin. Ito raw ay dahil sa mataas na presyo na pinapataw ng manufacturers sa mga gamot nila at ‘yung napakalaking tubo na nilalagay ng pribadong health facilities sa mga gamot na ito.

Pero may solusyon dito. Ang mga sakit, gaya ng kanser na mabilis at malawakan ang pagkalat, ay kaila­ngan din ng mabilis at malawakang tugon at solusyon. Matagal ko nang kinakausap ang DOH na ipatupad ang Maximum Drug Retail Prices (MDRP) sa ilalim ng Cheaper Medicines Law. Ngayon, handa na ang DOH para simulan ang pagkontrol ng pres­yo sa mga gamot sa asthma, hypertension, sakit sa puso, diabetes at iba’t ibang klase ng kanser.

Ilan pa ba ang mga Pilipinong dapat magkasakit at mamatay bago ibaba ang presyo ng gamot sa mga sakit na may lunas naman? Kailangan bang mabaon sa hirap ang pamilyang Pilipino sa tuwing may sakunang dumadating? Mura, agaran, epektibong lunas at gamot ang kailangan. Mas mahalaga ang kalusugan ng mamamayan kaysa sa tubo o kita ng iilan.

Nananawagan tayo sa Palasyo na aprubahan kaagad ang expanded MDRP list para makontrol ang presyo ng mga gamot. Gawin sana itong maagang pamasko para sa mga kababayan natin sa gitna ng kinakaharap nating krisis sa kalusugan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy