Una sa Balita

Presyo ng bilihin tumodo na

By
0 139

MULING sumipa ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng pres­yo ng mga bilihin sa 6.4% nitong Agosto dahil sa pagmamahal ng gasolina, pamasahe, bigas at iba pang pagkain, gayundin ang kuryente.

Ayon kay Emilio Neri Jr., lead economist ng Bank of Philippine Islands, ang 6.4% inflation rate ay ang pinakamataas sa loob ng siyam na taon at isang panibagong ‘9-year high’ mula sa 5.7% inflation na naitala noong July 2018.

Matatandaang uma­bot sa 6.6 percent ang inflation rate noong Marso 2009, o sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na ngayon ay House Speaker na.

Sinisi ni Bangko Sentral governor Nestor Espenilla ang patuloy na pagsipa ng inflation rate sa pagsasabay-sabay ng pagmahal ng langis, paghina ng piso, at kakulangan ng mabibiling pagkain lalo na ng bigas sa merkado.

“Much of it has to do with food supply shocks. Rice in particular,” sabi ni Espenilla.

Dagdag pa ni Espenilla, dahil sa malakas na demand, naging madali na rin para sa mga producer at trader na ipasa ang pagtaas ng kanilang mga gastos sa mga mamimili.
Lampas-lampas na ang inflation rate sa target ng pamahalaan na 2 to 4% ngayong taon.

Sa ulat ng Philippine Statistics Autho­rity (PSA), tumaas ang presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages sa 8.5 percent, habang ang alcoholic beverages at tobacco ay 21.6 percent. Pinakamataas ang inflation sa Metro Manila na may 7 percent, habang 6.2 percent naman sa labas ng NCR.

Pinakamalaking dahilan ng inflation sa Metro Manila ang mataas na pamasahe na may 10.2 percent; food and non-alcoholic bevera­ges, 8.6 percent; household equipment, 3.3 percent; miscellaneous goods, 4.7 percent at recreation and culture, 2.3 percent.

Nagsimulang tumaas ang inflation rate sa bansa nang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) noong Enero 2018, kung saan 3.4 percent lang ang inflation rate noong Enero 2018.

Sa nasabing batas, exempted na sa pagbabayad ng buwis ang mga empleyadong kumikita ng P250,000 kada taon, subalit nagpataw naman ng karagdagang buwis sa produktong petrolyo, mga bagong sasakyan, softdrinks at iba pang matataas na inumin at iba pa.