Una sa Balita

Presyo ng bilihin balik sa normal; sili ₱300 na lang mula P1K

0 263

BUMALIK na sa normal na presyo ang sili na P300 kada kilo mula sa P1,000 noong nakalipas na buwan.

Inihayag ito ni Presidential spokesman Harry Roque kasunod ng inilargang mga hakbang ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga bilihin gaya ng bigas, karne, gulay at isda.

Ayon kay Roque dumami ang supply sa merkado lalo na ang bigas kaya unti-unti ng buma­balik sa dating presyo.

Bukod dito, sinabi ng kalihim na dinala sa Metro Manila ang mga produktong agrikultura pati na isda mula sa Mindanao kaya dumami na ang supply sa mga palengke.

“Marami pong mga pagkain ngayong na bumaba ‘no. Iyong sili po wala nang P1,000 bu­malik na po iyan sa P300. Ang bawang po, ang sibuyas bumaba na rin po, ang patatas bumaba na rin po,” ani Roque.

Ipinapaalam aniya nito kay Pangulong Rodrigo Duterte kapag tumataas ang mga presyo dahil personal itong namamalengke.

Sinabi ng kalihim na dahil bumabaha na ng bigas sa palengke matapos ipalabas ang lahat ng supply ng National Food Authority (NFA), tiyak na malulugi na ang mga nagtatago ng bigas kaya’t matuto sana ng leksyon ang mga hoarder.

“Iyong mga nagtatago ng bigas, eh malulugi sila dahil napakadami nilang stocks at binebenta na natin ngayon itong bigas na ito ng mababa, para maturuan naman ng leksyon itong mga hoarder na meron din namang paraan ang gobyerno na para sila ay lugihin, hindi lang iyong pagbubukas lang sila ng mga warehouse,” dagdag ni Roque.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy