Una sa Balita

Presyo ng bigas, sa Nobyembre pa babagsak – Piñol

By
0 193

POSITIBO si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na bago magtapos ang taon ay babalik sa dating mababang presyo ang bentahan ng bigas dahil na rin sa pagpasok ng harvest season.

Ayon kay Piñol nagsimula na ang anihan ng palay sa Minda­nao at magtutuloy-tuloy ito hanggang Oktubre kaya naman sa pagpasok ng buwan ng Nobyembre ay magiging normal na muli ang suplay sa merkado na magreresulta sa pagbaba ng presyo nito.

“Dadagdagan pa ito ng bagong inangkat na bigas ng NFA na dadating din ngayong taon kaya inaasahan na­ting mareresolba na ang mataas na presyo ng ating bigas,” paliwanag ni Piñol.

Aminado naman si Piñol na bagama’t mag-stabilize ang presyo ng bigas ay maaaring hindi na bumaba sa P40 kada kilo ang presyo ng regular milled rice.

“Rice prices will stabilize by November pero hindi na po bababa ng P40 kasi mataas ang bi­lihin ng palay ng mga farmer,” ayon sa kalihim.

Sa ngayon ay nasa P43-P44 ang presyo ng regular milled rice sa merkado na dati ay nasa P39 lamang kada kilo.
Nilinaw din ng kalihim na walang rice shortage sa bansa, bagkus ay nagkaroon ng hoarding kaya’t tumataas ang presyo ng regular milled rice.

“There was no shortag­e in rice. Naglaro ang merkado kasi siguro nagkaroon ng speculation, nag-hoard yung iba,” pag-amin ng kalihim.

Aabot lang sa 19.4 milyong metriko tonelada ng palay ang inaasahang ani ngayong taon, kapos ng pito hanggang walong porsyento ng kabuuang pangangaila­ngan ng bansa.

Binanggit pa ni Piñol na inirekomenda na niya sa Pangulo ang pag-angkat ng mara­ming bigas dahil sa ina­asahang manipis ang suplay ng bigas sa pandaigdigang pamilihan sa susunod na taon.

Ang pagtaas ng presyo ng bigas ang isa sa naging dahilan sa pagsipa ng inflation sa 6.4 porsyento noong Agosto.