Una sa Balita

Presyo ng bigas ipako sa P34/kilo

By
0 179

Hiniling ng grupong Bantay Bigas sa pamahalaan na magpatupad ng price control sa bigas kung saan dapat itakda lamang ito sa P34 kada kilo.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupo, may kapangyarihan naman umano si Pangulong Rodrigo Duterte na magtakda ng price control alinsunod sa Republic Act No. 7581 o Price Act.

“The mere fact na may pilahan, haba-haba ng pila sa mga palengke ng nagbebenta ng NFA, hindi ba sapat na may kalamidad na nangyayari? Kaya dapat magpatupad ng price control,” ani Estavillo kasabay ng pagsasabing dapat itakda lamang sa P34 hanggang P38 ang kada kilo ng bigas sa merkado.

Sabi pa ng grupo, hindi umano tugon sa problema ng bigas ang rice importation dahil dati pa ay nagsasagawa na ng pag-aangkat ng bigas ngunit hindi naman bumababa ang presyo nito sa merkado.

Iginiit pa ng Bantay Bigas na pataas ang presyo ng bigas sa merkado dahil patuloy na dinidiktahan ng traders at kartel ng bigas ang presyo nito at walang ginagawang paraan dito ang gobyerno.

Kung magtatakda diumano ng price control ay maiiwasan din ang hoarding dahil hindi rin maibebenta sa mataas na presyo ang tinatagong bigas.