Una sa Balita

Presyo ng bigas 24 beses tumaas, NFA walang nagawa

By
0 302

SINISI ng isang advocacy group sa National Food Authority (NFA) kung bakit nanatilin­g mataas pa rin ang presy­o ng commercial rice sa merkado sa kabila ng pagmamayabang ng ahensiya na stable ang supply ng bigas sa bansa dahil sa inangkat na bigas.

Ayon sa grupong Bantay Bigas, mula Ener­o hanggang Hunyo ay 24 na beses na tumaas ang presyo ng bigas sa merkado sa kabila ng may 500,000 metric ton nang inangkat na bigas na dumating sa bansa noong buwan ng Hulyo.

Sinabi ni Cathy Estavillon, tagapagsalita ng Bantay Bigas, mayroon mang supply ang NFA ay hindi pa rin ito nakakarating sa merkado kaya naman hindi pa rin kayang diktahan ang galaw ng presyo ng commercial rice.

“Alam naman natin na ‘yung bigas ay hawak pa rin ng mga cartel, ng mga rice traders, kaya hindi talaga niya mahihila yung presyo ng bigas kung wala namang NFA rice sa merkado” paha­yag ni Estavillo.

Sa panig ng NFA isinisi nitong muli sa masamang panahon kung bakit naantala ang pagbaba ng NFA rice sa mga dealers, sinabi ni NFA Spokesperson Rex Esto­perez na kanila nang minamadali ang pagbaba ng shipment lalo at ngayong mga nakalipas na araw ay bahagyang gumanda ang panahon.

“Kung ibaba kasi yung bigas na may pag-uulan ay masasayang lang kaya naghihintay din ng magandang timin­g sa panahon. Naantala ang ating unloading sa ating palengke pero gagawi­n po natin lahat para maibaba itong bigas at idiretso sa ating mga accredited retailer,” pahayag ni Estoperez.

Maliban umano sa delay ng pagbaba ng inangkat na bigas sinabi ni Estoperez na isa pa sa factor kung bakit mataas ang presyo ng commercial rice ay dahil mataas din ang presyo ng palay.

Aminado ang NFA na bagama’t makatutulong kung sapat ang supply ng NFA rice sa merkado para bumaba ang presyo ng commercial rice ay inaasahan nilang ma­liit lamang ang ibaba nito kung mananatiling mataas pa rin ang puhunan ng mga trader sa pagbili ng palay.