Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Preso inatake jail guard, todas

0 216

Patay ang isang drug trafficker na may sentensyang habambuhay na pagkabilanggo matapos na mabaril ng pulis nang atakihin nito ng patalim ang isang jail guard sa ginawang Oplan Galugad ng Bureau of Corrections sa Zamboanga City nitong Miyerkoles.

Kinilala ang nasawi na si Ronald Apariso Natividad, 48-anyos, at taga-Brgy. Calamba, Cebu City.

Base sa ulat ng Police Regional Office 9 kay Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas, napatay si Natividad dakong alas-nuwebe ng umaga sa Dormitory 2 ng maximum security compound ng San Ramon Prison and Penal Farm sa Brgy. Talisayan.

Nagsasagawa umano ng Oplan Galugad ang mga jail guard at pulisya sa Dormitory 1, 2 at 3 subalit nang kinakapkapan na ni Inspector Ave Akilit si Natividad ay hindi ito tuminag at sa halip ay inatake niya ng patalim ang nasabing jail guard.

Mabilis namang nakaresponde ang back-up na pulis sa pangunguna ni Major Orlyn Leyte na sinaksak din ni Natividad pero dahil sa nakasuot ng bulletproof vest ay hindi ito nasaktan.

Doon na binaril ng isa pang pulis si Natividad na aatakihin na naman umano sana ang isang pang pulis. Tinamaan ang suspek sa katawan na agad dinala sa medical section ng bilangguan subalit idineklara na itong dead on arrival ng prison doctor na si Supt. Elmer Derla. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.