Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pre-SONA: seguridad at kaayusan sa bansa

0 495

Ngayong Lunes, July 27 ay isang mahalagang araw para sa lahat ng mga Pilipino dahil ito ang nakatakdang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan inaasahang ihahayag nito ang kanyang mga plano para sa bansa sa natitirang dalawang taon ng kanyang termino at kung ano ang mga gagawing hakbang para sa kapakanan at kaligtasan ng sambayanan laban sa COVID-19 na nananalasa sa Pilipinas.

Pero bago ang SONA ng Pangulo ay inilunsad natin ang Tatak Pagbabago Pre-SONA forum kung saan inilahad sa publiko ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang kanilang mga nagawa sa loob ng isang taon at mga gagawin pa alinsunod sa mga plano at adhikain ng Duterte administration.

Huling nag-ulat nitong Miyerkules ang Security, Justice and Peace Cluster at ang Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction Cluster sa pangunguna nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu.

Sa ginanap po na forum, inilahad ni Secretary Lorenzana ang mga ginagawang aksyon ng gobyerno para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bansa, partikular ang seguridad at kaligtasan ng mga Pilipino at ang paninindigan ng gobyerno sa pagpapairal ng independent and principled foreign policy.

Batid po natin na hindi pa rin natatapos ang isyu sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea kahit pa naipanalo ito ng gobyerno sa International Arbitral Court kaya aktibong isinusulong ang cooperative mechanisms sa lahat ng mga bansang naghahabol sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Idinaan ng gobyerno sa diplomasya ang mga insidente ng harassment, at panghihimasok ng Chinese vessels sa karagatang sakop ng Pilipinas sa pamamagitan nang paghahain ng diplomatic protests.

Sa pamamagitan ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP), iniulat po ni Secretary Lorenzana ang pagbili ng mga kagamitan para mapalakas ang kakayahang pang-depensa ng Pilipinas, gaya ng biniling brand new na BRP Jose Rizal at nakatakdang dumating sa bansa ngayong taon ang combat support aircraft para sa Philippine Air Force.

Sa isyu naman ng peace and order, masaya po naming ibalita na bumaba ang krimen sa bansa ng 51% sa unang anim na buwan ng 2020 at napaigting ang kampanya laban sa illegal na droga, patunay ang sunod-sunod na pagkakaaresto sa mga sangkot sa illegal drug trade at pagkasamsam ng kilo-kilong shabu.

Maganda rin po ang performance ng hudikatura at bumilis ang pag-usad ng mga kaso at paglutas sa mga ito dahil dumami na ang mga abugado ng gobyerno, kasama na rito ang pagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga mahihirap at walang kakayahang mga Pilipino.

Libo-libong mga bilanggong matagal ng nakapiit subalit hindi pa nahahatulan ang pinalaya batay sa atas ng Korte Suprema habang pinabilis na po ang paggagawad ng parole para sa mga bilanggong karapat-dapat na mabigyan nito.

Isa sa tampok na accomplishment ng Duterte administration ngayon ay ang tagumpay ng itinatag na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict kung saan libo-libong rebelde ang nagbalik-loob sa gobyerno at binigyan ng bahay, lupang sakahan at tinuruang maghanapbuhay. Hindi na sila mistulang daga na nagtatago sa mga kabundukan para makaiwas sa mga sundalong tumutugis sa kanila.

Naging mapayapa na rin ang rehiyon ng Mindanao dahil sa mga peace agreement ng gobyerno sa mga kilalang grupo gaya ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF) at higit sa lahat ang pagpasa sa Bangsamoro Organic Law na nagtatag sa Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao o BARMM.

Naging usap-usapan din noong nakaraang taon ang matagumpay na paglilinis sa Boracay island matapos ipasara ng ilang buwan dahil sa kawalan ng maayos na sewage system ng isla , at nagawa ito dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte kay DENR secretary Roy Cimatu kasama ang dalawa pang miyembro ng gabinete.

Pati ang Manila Bay na naging dagat ng basura ay nagawang malinis ng DENR mula sa matagal na panahong napabayaan ito at pinagmulta at ipinasara ang mga establisimentong direktang nagtatapon ng kanilang dumi direkta sa dagat. Ipinakita po ng Duterte administration ang kamay na bakal laban sa mga abusadong negosyante at mamamayan.

Sa kanyang report sa Pre-SONA forum, sinabi ni Secretary Cimatu na mahalagang pangalagaan ang kapaligiran at kalikasan para hindi tayo singilin pagdating ng panahon sa pamamagitan ng mga hindi inaasahang kalamidad at sakuna.

Maraming paghamon na sumalubong sa mga Pilipino ngayong taon gaya na lamang nang pagputok ng Taal Volcano, sunod-sunod na lindol sa Mindanao region at Batanes kaya naman agad na umalalay ang mga pangunahing ahensiya ng gobyerno at sinaklolohan ang mga naapektuhang mamamayan. Palagi pong nakaantabay ang Disaster Risk Reduction team ng gobyerno para sa hindi inaasahang hamon at krisis sa bansa.

Sa ngayon po ay patuloy na dinaranas ng sambayanan ang pinaka-matinding krisis na tumama sa bansa–ang COVID-19 pandemic na nagpadapa sa halos lahat ng bansa sa mundo,hindi lamang ang Pilipinas.

Matindi po ang dagok na idinulot na COVID-19 sa ekonomiya at buhay ng mga Pilipino kaya naman ang Duterte administration ay hindi tumitigil sa pagkilos at pagpapatupad ng mga hakbang para malabanan ang pandemya at maisalba ang kalusugan at buhay ng mga Pilipino.

Halos lahat ng sektor ay tinamaan ng COVID-19 at nakarating na rin hanggang sa Malacañang ang bagsik nito. Sa aking tanggapan sa PCOO, may mga naitalang kaso na rin ng COVID-19 pero hindi po ito magiging sagabal sa paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.

Dahil ngayong Lunes na ang inaabangang SONA ni Pangulo Duterte, tuloy-tuloy po ang trabaho ng PCOO para maihatid sa sambayanan ang mahalagang mensahe ng Presidente para sa mga Pilipino.

Wala pong mababago sa paghahanda ng Radio Television-Malacañang para sa coverage at ipapatupad ang precautionary measures gaya ng testing sa RTVM personnel para matiyak ang kaligtasan ni Pangulong Duterte, pati na ang mga bisita sa Batasang Pambansa.

Sabay-sabay po nating abangan, pakinggan at panoorin ang SONA ni Pangulong Duterte para malaman kung ano ang mga plano at ginagawang hakbang ng kanyang administrasyon para sa gagawing pagbangon ng bansa at ng sambayanan mula sa pinsalang idinulot ng pandemic.

Leave A Reply

Your email address will not be published.