Una sa Balita

Prayoridad o bahala na

By
0 95

Redundant ang pariralang ‘unahin ang prayoridad’. Kapag sinabi kasing prayoridad na gawain, iyon talaga ang dapat unahing gawin.

Galing ang salitang prayoridad sa Latin na ‘prioritatem’, na may sa­litang-ugat na ‘prior’ na ginagamit din sa wikang Ingles. Itong ‘prior’ din ang salitang-ugat ng ‘priority’.

Madalas natin itong gamitin, itong salitang ‘prayoridad’ o ‘priority’. Malinaw sa atin kung paano ito ginagamit: unang dapat gawin, unang dapat bigyan ng atensyon, u­nang dapat paha­lagahan, at marami pang ibang kawing-kawing na kahulugan. Ginamit na rin natin ito in plural form: priorities o mga prayoridad. Ano-ano ba ang mahalagang dapat unahin o pagtuunan ng pansin?

Kung malinaw naman sa atin ang ating prayoridad, ang mas mahalagang malaman sa mga prayoridad, lalo na sa pamamahala, ay kung sino ang nagtatalaga ng prayoridad na ito? Saan nakabatay kung bakit ito ang prayoridad? Anong panahon dapat maisakatuparan ang prayoridad?

Dapat pinaglimihang mabuti ang prayoridad. Halimbawa, prayoridad ko ngayon bilang propesor na nagtuturo ng pagsulat ng thesis sa unibersidad na makagawa ang mga mag-aaral ko ng sarili nilang maayos na thesis. Ito ang prayoridad ko sa buong semestre ng pagtuturo. Pero bawat araw sa tuwing haharap ako sa kanila, may iba’t ibang mumunting prayo­ridad ang dapat makamit.

Sa iba’t ibang aspekto ng pagkatao ko, may iba’t iba rin akong prayoridad: bilang manunulat, prayo­ridad ko ang makasulat at makapaglabas ng bagong aklat ngayong taon; bilang padre-de-pamilya, mag­kabahay ngayong taon ang prayoridad ko.

May nagyaya sa aking mangibang-bansa ngayon lang habang isinusulat ko ito, pero dahil hindi ko prayoridad ang maglakbay sa ngayon, dahil na rin wala akong ekstrang budget, hindi ako sumama kahit pa masasabing mura lang ang pamasahe.

Sa iba, hindi ganito ang gusto nila. Walang prayoridad. Masyado kasing structured. Wala ang element of surprise.

Walang excitement. Dahil totoo rin namang maaaring matabunan ang prayoridad ng iba pang mas mahalagang gawaing nangangailangan ng atensyon at pansin.

Puwedeng hindi pa tukoy ang prayoridad sa buhay lalo na sa kabataang millennial. Kaya hindi nawawala sa uso ang pariralang ‘bahala na’. Na diumano, galing sa matandang Tagalog na ‘Bathala na’ o pagpapaubaya sa Bathala.

Pero kung sa pamamahala, hindi pupuwedeng hindi tukoy ang prayoridad. Sa prayoridad karaniwang nakikilala ang estilo ng pamamahala. Halimbawa, sa kasalukuyang pamahalang pambansa, droga at pagsugpo sa krimen ang prayoridad.

Dito nakatutok ang pa­ngulo. Ito ang madalas niyang paksa sa talumpati.

Sa pagbalangkas ng national budget, mararamdaman nating mga nagbabayad ng buwis ang prayoridad ng pamahalaan batay sa laki ng inilaan o ibinawas na budget sa sangay ng pamahalaan. Napakalaki ng budget para sa Department of National Defense, Department of Interior and Local Government, at Department of Public Works and Highways.

Samantala, nabawasan naman ang para sa edukasyon at kalusugan. Kayo na ang bahalang gumawa ng kongklusyon hinggil sa mga prayoridad na ito sa pagba-budget ng gobyerno.