Una sa Balita

PRANGKAHAN: Walang immunity si Duterte sa International Criminal Court

By
0 4

Palaging sinasabi ni Pa­ngulong Rody Duterte na kapag nananakot siyang pagpapatayin niya, ang nasa isip niya ay mga salot ng lipunan na kaya malakas ang loob niya dahil hindi siya makakasuhan habang siya ang pa­ngulo.

Sinabi niya ito nang bumi­sita siya sa mga nasugatang sundalo sa V. Luna AFP Me­dical Center at naiinis siya sa mga negosyanteng ‘di sumunod sa kanyang utos na tigilan na ang “endo”, ang pagsasamantala sa manggagawa sa pamamagitan ng limang buwan lang na kontrata at hindi nagiging permanente sa trabaho.

“Ako mag-warning lang: Stop contractualization or patayin kita,” sabi ni Duterte. “You know why kaya ako magsalita ng ganu’n ang Presidente? While I am here, may [legal] immunity ako.”

Totoo ‘yun na habang pangulo siya ay hindi siya makakasuhan. Nakasaad ‘yan sa Constitution.

Tama naman ‘yan dahil kung mag-alala ang pangulo ng mga kaso na maa­ring isampa sa kanya habang nagdedesisyon siya sa mga mahahalagang bagay para sa bansa, baka hindi na nga siya makapagdesisyon.

Ngunit hindi ibig sabihin na kapag presidente ka ay maari mo nang magawa kung anong gusto mo na kahit labag sa batas.

Marami kasing nag-aalala sa maraming patayang konektado sa kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga. Umaabot na sa 646 ang napapatay mula nang maupo si Duterte sa Malakanyang noong Hunyo 30. Kung bibilangin mula pa nang nanalo siya noong Mayo 19, sobra na sa 800. Ito ay ayon sa bilang ng Philippine Daily Inquirer (PDI).

Karamihan sa mga napatay ay walang kaso at walang warrant of arrest. May ilang kaso na pulis ang nakapatay — nanlaban daw at inagaw ang baril kahit nakaposas ang biktima. Karamihan ay hindi kilala ang pumapatay.

Ngunit dinidepensahan ni Duterte ang pagpatay. Sabi niya sa mga sundalo nang bumisita siya sa Capiz: “Kung i-order ko ang pagpatay sa isang tao, hindi ako maaring ma-arrest dahil may immunity ako. May kapangyarihan din ako mag-pardon at kung gawin ninyo ang inutos ko, i-pardon ko kayo.”

Marami ang nababahala sa mga sinasabi ni Duterte. Dahil hindi totoo na siya ay hindi na sakop ng batas. Kung may immunity man siya sa Pilipinas, hindi siya exempted sa International Criminal Court (ICC) at puwede siyang kasuhan doon. Kung mahatulan siya ng “crime against humanity” ay puwede siyang hulihin kahit pangulo siya.

May mga pangulo sa bansa ng Africa ang nahatulan at nakakulong ngayon sa salang “crime against humanity”.

Ito ang paalaala sa kanya ni Kabayan Rep. Harry Roque na kaalyado niya sa Kongreso bilang miyembro ng super majority. Human rights lawyer si Roque bago siya na­ging kongresman.

Sabi naman ni Justice Secretary Vitaliano Aquirre II, hindi naman daw “crime against humanity” ang pagpatay ng mga kriminal.

Ngunit sabi ni Roque ang makapagsabi kung “crime against humanity” ang nangyayaring patayan ay ang ICC. At kapag nakita nilang malawakan ang pagpapatay, maari nilang litisin ang isang pangulo kung may magsasampa ng kaso.

indi nakakabuti sa bansa na makasauhan sa international court ang pangulo ng Pilipinas. Mabuti na nagpaalaala kay Pangulong Duterte ay ang isang kakampi.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com