Una sa Balita

PRANGKAHAN: Wagas ang 13th Virgin Lab Fest

By
0 7

Ang daming ibig sabihin ng “Wagas”.

Pwedeng puro at tunay na tunay. Katulad ng “Wagas na pag-ibig.”

Ginagamit din namin ‘yan na reaksyon sa mga pahayag na napa­kalalim at mahirap mataruk. Ganun din sa mga pahayag na ang nagsasalita ay parang nasa ibang planeta. Sinasabi naming, “Wagas!”

“Wagas” ang tema ng kasalukuyang palabas ng Virgin Lab Fest sa Cultural Center of the Philippines sa Roxas Blvd.

Unang araw noong Sabado at napanood namin ang tatlong one-act play: Sincerity Bikers Club, Ang Bahay sa Gitna ng Kawalan at Nothing But Dreams.

Wagas ang tatlong dula sa kuwento, direksyon at sa pagganap.

Ang ganda ng pagtalakay ng Sincerity Bikers Club (Adrian Ho, playwright at Jenny Jamora, director) sa problema ngayon ng “tokhang,” ang pinapa-iral na kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga.

Ang sentro ng dula at ang pagtatalo ng grupo tungkol sa bagong miyembro ng grupo (na kinabibilangan ng limang bikers) na si Louella, isang bagong balo na bank teller.

Bagong lipat si Louella sa Barangay Sincerity na bandang Tagaytay yata, galing Quezon City. Napag-alaman ng isang miyembro na, na-tokhang pala ang asawa ni Louella, na isang artist. Sabi ni Louella, tutuong drug addict ang kanyang asawa, ngunit hindi pusher.

May isang miyembro (titser) na nagbabala na kung tanggapin si Louella, baka pati sila at ang kanilang pamilya ay madamay dahil alam sa panahon ngayon, kahit wala silang ginagawa, kapag nabahiran ka ng suspetsa at tsismis, pwede kang matokhang.

Sa pagtatalo, lumalabas ang paninindigan ng bawat isa. Ang pagkamakasarili, ang pagkamabait, ang pagkamalawak ng pag-iisip.

Para wala na lang gulo, sinabi ni Louella, aalis na lang siya. Maganda ang paglahad ng dula ng reaksyon ng bawat miyembro.

Ang mga mahilig sa horror, baka magustuhan ang “Ang Bahay sa Gitna ng Kawalan.”

Masaya ang “Nothing But Dreams” na sinulat ni Dindong Novenario sa direksyon ni Carlos Siguion-Reyna.

Tungkol ito sa mag-asawang Filipino (Audie Gemora at Madeleine Nicolas) na tuwang-tuwa dahil darating ang kanilang anak (Lhorvie Nuevo) galing Amerika na kasama ang kaniyang nobyo. Ang isip nila Amerikano, puti, matangkad. Hindi yun ang dumating. Amerikano nga ngunit itim (Thou Reyes)

Ang galing ng dialog. Naipalabas nila ang pagka-racist nating Pilipino.

Tatlong linggo lang itong Virgin Labfest, hanggang July 16. Para sa impormasyun tungkol sa VLF, pwedeng tingnan sa http://culturalcenter.gov.ph/single-tickets/view-event/?id=05583529 ot tumawag sa CCP Marketing Department 832-3706 at 832-3704.

***

Blog:www.ellentordesillas.com

E-mail:ellentordesillas@gmail.com