Una sa Balita

PRANGKAHAN: Tuwid na Daan: Aquino, Roxas, Robredo, Lilia Pineda

0 1

Kumakalat sa social media ang litrato ng rally ng Liberal Party sa Pampanga noong Marso 17 kung saan makikita ang kanilang kandidato sa pagka-presidente na si Mar Roxas na yumuyuko para makipagkumusta kay Lilia Pineda, gubernador ng Pampanga na kilala sa isyu ng jueteng, habang tuwang-tuwa si Pangulong Noynoy Aquino na nasa gitna at mukha ring natutuwa ang kandidato sa pagka-bise presidente na si Leni Robredo.

Marami ang medyo nadismaya dahil nga sa pinangangalandakan ng Liberal Party na “Tuwid na Daan”. Akala kasi ng marami ang Tuwid na Daan ay matataas ang moralidad, ayaw ng ilegal na gawain at ang bunga nito.

‘Yan ang akala natin.

Alam naman ng lahat na ilegal ang jueteng. Si Pangulong Joseph Estrada ay napatalsik sa Malacañang dahil sa jueteng. Akala niya kasi hindi ilegal ang makiparte sa kita ng jueteng dahil hindi naman pera galing sa kaban ng bayan.

‘Yan ang akala niya.

Alam din natin na sa pagtanggal kay Erap noon, nangunguna ang mga kasamahan ni Roxas at ni Aquino. Nag-resign si Roxas bilang Trade and Industry secretary nang bumabagsak na si Estrada. Kumampi sila kay Gloria Arroyo. Na iniwan din nila. Hindi na ngayon alam kung kalaban pa rin o kaibigan na ulit.

Ang asawa ni Lilia Pineda ay si Bong Pineda na matagal nang nababalita na siyang hari ng jueteng sa Luzon. Siyempre hindi napa­patunayan ‘yun.

Ang jueteng ay sugal ng mga mahihirap. Ang yumayaman lang ay ang mga operator at kanilang mga protektor na mga nasa kapangyarihan.

Nang simula ng administrasyon ni Aquino, marami ang naniwala na totoo ang Tuwid na Daan.

Ibinulgar ni Retired Arch­bishop Oscar Cruz na sangkot sa jueteng ang kaibigan ni Aquino na sina Undersecretary Rico Puno ng Department of Interior and Local Government at ang dating Police Chief na si Jesus Versoza.

Si Versoza talaga ang gusto ni Aquino maging DILG secretary sa halip na si Jesse Robredo, ang asawa ni Leni na noon ay acting DILG secretary.

Related Posts

Naudlot ang balak ni Aquino na gawing DILG chief si Versoza dahil kasama siya sa mga palpak sa hostage crisis sa Rizal Park noong Agosto 2010.

Kasama si Robredo sa lumaban sa jueteng. Kaya siguro isa ‘yan sa mga dahilan na hanggang mamatay siya hindi siya na­kumpirma na DILG secretary.

Nang inilabas ni Archbishop Cruz ang listahan ng mga ope­rator at protektor ng jueteng, sa halip na gawing basehan ng masusing imbestigasyon, hinamon ng Malacañang na magbigay siya ng pruweba.

Pambihira naman. Pasalamat nga sila dapat kay Archbishop Cruz at naglakas loob ibulgar ang listahan. Bakit maging solo niyang responsibilidad ang maghanap ng pruweba? Sino ba ang may kontrol ng PNP, DILG, NBI?

Ngayon lumabas na ang tunay na dahilan kung bakit walang ganang ipahinto ng pamahalaang “Tuwid na Daan” ang jueteng. ‘Yan ay klaro sa litrato ng miting ng LP sa Pampanga.

Depensa ni Rep. Barry Gutierrez, tagapagsalita ng tambalang Roxas at Robredo, sa mga batikos sa kanila sa kanilang pagpa-­partner sa pulitiko na sangkot sa jueteng:

“Ang paglilingkod nina Mar at Leni ay hindi nakabase sa inyong partido, paniniwala, o kakampi.

Dadalhin nila ang tulong ng pamahalaan kung saan ito kailangan nang walang kapalit. Ito ang naram­daman ni Gov. Pineda kaya siya ay umanib sa Daang Matuwid. 52,179 pamilyang natutulungan ng 4Ps, 6 na pamayanang napawi ang uhaw sa Salintubig, 1.8 milyong Kapampangan ang nabigyan ng proteksyon ng PhilHealth at marami pang ibang proyekto para sa isang lalawigang hindi kakampi ang gobernador. At kung walang tsaleco sa pagtulong, wala ring kinikilalang kakampi sa pagtama ng mali. ‘Yan ang liderato ni Mar, Leni at ng Daang Matuwid. Isang disenteng pamumuno para sa disenteng Pilipino.”

Ano daw?

***

Blog: www.ellentordesillas.com
Email: ellentordesillas@gmail.com