Una sa Balita

PRANGKAHAN: Trillanes nababahala na mga opisyal ng gobyerno kasama sa Kadamay at miyembro ng CPP

By
0 143

Si Sen. Antonio Trillanes IV ay sundalo bago siya pumasok sa pulitika. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy. Kapitan siya sa Philippine Navy nang nag-alsa siya kasama ang mga 300 na sundalo laban kay Gloria Arroyo noong Hulyo 2003 sa tinatawag ngayon na ‘Oakwood Mutiny’.

Kaya naintindihan ko ang kanyang pagkontra sa komunista.

Sino nga ba sa atin ang gusto ng communism?

Iba naman ang paningin ni Pa­ngulong Duterte sa mga komunista na nakatrabaho niya para panatilihin ang kapayapaan sa Davao. Ngayong presidente na siya, binigyan niya ng mahalagang pwesto ang mga ang hiling ay sa kaliwa o komunismo.

Kamakailan, nagulantang ang marami sa desisyon ni Duterte na ibigay na sa mga miyembro ng Kalipunan ng Da­mayang Mahihirap (KADAMAY) ang 5,208 na mga bahay para sa mga sundalo sa Pandi at San Jose del Monte City sa Bulacan na kanilang inokupahan noong Marso 8.

Pwede palang ganyan. Kapag wala kang bahay, pwedeng mong okupahan ang bakanteng bahay na ipinatayo ng pamahalaan kahit nakalaan sa iba.

Naghain ng resolusyon si Trillanes para maimbestiga­han sa Senado ang ukol sa ilegal na pag-okupa ng mga miyembro ng KADAMAY sa mga pabahay sa Bulacan na para sa mga sundalo at pulis, kasama na rin ang pagsuri sa magiging epek­to nito sa seguridad sa bansa.

“Maliban sa nakababahala at delikadong halimbawa nito, ang pagpayag sa mga miyembro ng KADAMAY na okupahin ang buong komunidad ay may implikasyon sa kalagayan ng seguridad sa bansa lalo na’t ayon sa mga intelligence report ay isang front organization ng mga komunistang grupo ang KADAMAY,” sabi ni Trillanes.

Suportado ng Secretary ng Gabinete na si Leoncio Evasco Jr. na siya ring chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), ang ginawa ng KADAMAY.

Nao-organisa rin si Evasco sa mga kanayunan sa pamamagitan ng makinarya ng pamahalaan ng ‘Kilusang Pagbabago.’

Gusto ni Trillanes isama sa imbestigasyon ang mga impormasyon na ilang miyembro ng Gabinete na may kinalaman sa pagpapatakbo ng mga pabahay ng gobyerno ay konektado sa Communist Party of the Philippines (CPP). Maliban kay Evasco, nandiyan daw si Marcelino P. Escalada Jr., general manager ng National Housing Authority (NHA), at si James Mark Terry Ridon, chairman ng Presidential Commission for the Urban Poor, na hinalal na miyembro ng CPP Central Committee Member sa ika-13 na Central Committee Plenum (2012) sa Quezon City.

“Kinakailangang tignan at magkaroon ng malalimang im­bestigasyon ukol dito sa illegal na pag-okupa sa mga pabahay na ito, lalo na ang magiging epekto nito sa seguridad at proseso ng pagkuha ng mga pabahay mula sa gobyerno. Kinakailangang magkaroon tayo ng batas para masiguro na hindi gagamit uli ng pwersa at dahas ang sinumang grupo na nais magkaroon ng tulong pabahay mula sa gobyerno,” sabi ni Trillanes.

***

Blog: www.ellentordesillas.com
E-mail: ellentordesillas@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy