Una sa Balita

PRANGKAHAN: Mga pusher ba talaga ang mga pinapatay?

0 83

Birthday ni Edmund Moon, 26 na taong gulang, noong Martes, Hulyo 19. Nagtatrabaho siya sa Makati bilang chef o cook.

Nang gabing iyon, minabuti niyang umuwi sa kanyang ina na si Myrna, 50 taong gulang, na nakatira sa sementeryo sa Malabon. Caretaker si Myrna ng mga nitso sa sementeryo.

Nang dumating siya sa kanilang tinitirhan, ginising niya ang kanilang kabitbahay na si Peter, na caretaker din ng mga nitso, para sumama sa munting salu-salo nilang mag-ina. Sumama na rin sa kanilang “party” ang kanilang mga kaibigan na sina Fe Nicanor, 43, at Baby.

Mga alas-10:00 na ng gabi nang matulog si Peter. Kinaumagahan, nagulat siya nang makitang patay na ang limang mga kaibigan. Nakapatong sa mga bangkay ang papel na may sulat na “Pusher kami, wag tularan” at “Sunod na kayo papasok na kami jan”.

Shocked siya at hindi siya makapaniwala. Si Myrna raw ay totoong paminsan-miinsan gumagamit ng bawal na gamot. Ngunit si Edmund ay mabait.

Sabi ni Edmer, anak din ni Myrna, habang nagsasayahan ang kanyang ina, kapatid at mga kaibigan ay may dumating na limang tao at pinagbabaril ang grupo. Tapos umalis.

Nagulat na lang siya nang makita kinabukasan na may papel na pusher sila.

Ang opisyal na report ng Malabon police chief na si Senior Supt. John Chua, si Myrna raw ay user at pusher at ang kanyang dalawang anak na sina Edmer at Edmund ay mga runner. Ginagawa raw na tindahan ang sementeryo.

Mahirap paniwalaan ang bersyon ng pulis.

Ito kaya ang sinasabi na may kota raw ang mga pulis na kailangan makapatay sila ng dalawang adik sa isang linggo? Paano kung wala kang mahuhuli na totoong adik?

Sobra isang daan na ang pinatay dahil daw sa droga mula Hulyo 1 nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte na nangako noong kampanya na lalabanan niya ang ilegal na droga. Libu-libo na ang sumurender na mga adik.

May mga nababahala kasi parang manok na lang kung pinapatay ang mga suspek na sangkot sa droga. Walang kaso. Hindi nga malalaman kung talagang pusher ang mga pinapatay.

Ngunit marami ang pumapalakpak kay Duterte. Sa survey ng Pulse Asia, 91 porsiyento ng mga Pilipino ay gusto ang ginagawa ni Duterte. Nababawasan daw ang krimen.

Ito ang lalong nakakabahala.

Ito ba ang tamang paraan sa pagsugpo ng krimen na pangmatagalan? Paano ang mga inosenteng pinatay? ‘Di ba kriminal din ang pumapatay ng mga taong walang kasalanan?

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy