PRANGKAHAN: ‘Huwag gawing basurahan ang Marawi’

By

Lugmok na nga ang Marawi ngunit sa halip na tulungang pa­lakasin ang kalooban, iniinsulto pa.

Ito ang tingin ng marami sa ginawa ni Police Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa sa pagpadala ng dalawang tiwaling pulis sa Marawi.

Tama lang na pinuna ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at nagreklamo si Zia Along Adiong, ang tagapagsalita ng Marawi Crisis Management Committee.

Kumalat sa social media noong isang linggo ang video nina PO1s Jose Julius Tandog at Chito Enriquez ng Mandaluyong Police na sinasaktan ng yantok ang dalawang lasing na nahuli at dinala sa pulis station. Hindi alam ng mga pulis na habang sinasaktan nila ang isa, kinukuhaan pala sila ng video ng kasama.

Bilang parusa, sabi ni Dela Rosa, maliban sa kasong admi­nistratibo na isasampa laban sa dalawa, ipadadala sila sa Marawi para “doon nila ipakita ang kanilang tapang”.

Mali yata, sabi ni Lorenzana: “Personally, ‘wag sana. We need good people to come here to fight this war. We don’t want ‘yung patapon dito. At saka ano ang gagawin nila dito? ‘Yung ibang tao nga ayaw nilang pumunta dito.”

Mahirap na assignment ang Marawi kung saan may giyera laban sa mga Muslim na terorista. Pitong linggo na ang bakbakan (na sabi ng military ay pahupa na) at mga 400 na ang patay, ang 85 doon ay mga sundalo at pulis.

Sabi ni Lorenzana, ang kailangan sa Marawi ay ang mga magagaling. “Kailangan namin ng mga tao na tutulong sa pag-ayos ng problema. Ngayon, bibigyan mo kami ng tauhan na problemado, bibigyan lang nila ng problema ang mga commanders.”

Dagdag problema pa nga sila.

Sabi naman ni Adiong, na iniinsulto sila. Para naman silang ginagawang basurahan. “It’s quite offensive to treat us like trash bin for abusive cops. And to use the Marawi siege as a punishment shows insensitivity.”


Iba-iba ang reaksyon ng mga pulitiko. Okay lang kina Sen. Chiz Escudero at Gregorio Honasan. Sabi naman ni Sen. Bam Aquino, “Ang mga pulis na nang-aagrabyado ng taumbayan at gumagawa ng katiwalian ay dapat managot at matanggal sa puwesto.

Marami sa mga pulis na nagtatrabaho nang maayos ang nadadamay sa kanilang ginagawang kapalpakan.”

Pinanindigan ni Dela Rosa ang kanyang akala na magaling na ideya ang pagpapadala ng mga tiwaling pulis sa Marawi. Ni­rerespeto raw niya ang opinion ni Lorenzana, kaya lang siya ang boss ng PNP at ‘yan ang gusto niya.

Pero iba rin naman talaga ang kanyang pag-iisip. Ang kailangan daw ng Marawi ay ang pinakamagaling na pulis. “This place only deserves the best cops that we can provide. Well, after their assignment, they will become best cops.”

Gusto pa niya makipagpustahan sa media tungkol dito.

Ewan. Bakit napunta tayo sa pustahan? Ang daming problema ng bansa.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com                                                           

SHARE