PRANGKAHAN: Fake news ang kinakalat ni Duterte

By

Nakakabahala ang paglilipana ng fake news sa social media, lalo na sa Facebook.

Ang galing ng pagkagawa na akalain mo talaga ay totoong balita. Katulad ng isang balita na dahil daw kay Duterte, ipinag-utos daw ni U.S. President Donald Trump na wala nang visa na kaila­ngan ang mga Filipino para pumuntang Amerika.

Maraming naloko doon.

Meron din isa na kunwa­ring balita sa Philippine Daily Inquirer. ‘Yung totoong reporter pa ng Inquirer ang sumulat, si Dax Lucas. Ginawang triple daw ni Trump ang tulong sa Pilipinas dahil kay Duterte.

Kinorek ni Dax: Sorry, hindi ako ang sumulat nito.

Hindi alam kung sino ang gumagawa ng mga fake news. Pero karamihan pabor kay Duterte.

Ngunit hindi na kailangang gumawa ng fake news. Makinig ka lang kay Duterte. Ang dami nang maling impormasyon ang makukuha mo.

Katulad na lang ng paninira niya kay Sen. Antonio Trillanes IV sa harap ng libu-libong Filipino sa Doha, Qatar.

Sabi niya: “Isa pa rin iyon gago. Hindi naman napa­laban, iyon iyong gagong nagwara-wara diyan sa Makati,­ kasi mag-revolt daw sila tapos sinira iyong ­Peninsula. Oh, ninakaw lahat ng tinidor, baso lahat ng inumin bago nag-surrender sa pulis. Sabi ko, napakagago­ putang-ina.”

Nandun ako kasama ng maraming media sa Manila Peninsula. Wala ganu’ng nangyari.


Kanino naman niya nakuha ang ganitng kasinunga­lingan na kanyang kinakalat hanggang sa ibang bansa? Tawa naman nang tawa ang mga OFW doon. Kawawa naman sila at kasinungalingan ang binigay sa kanila ng Pangulo sa halip na katotohanan.

Mabuti naman at hindi pinapatulan ni Trillanes ang isyu na ‘yan. Cheap!

Ang hindi niya binibigay sa mga tao ay ang katotohanan tungkol sa akusasyon ni Trillanes na umabot sa sobra dalawang bilyong piso ang perang pumasok sa kanyang BPI bank account. Sinasabi niyang buksan daw ang account para makita na hindi totoo.

Siyempre ngayon maaaring wala na. Ngunit ang dapat malaman ng taumbayan ay kung totoo talagang umabot sa ganu’n kalaking pera ang natanggap niya.

Malalaman lang ‘yan kung magbigay siya ng ­nakasulat na authorization sa bangko. Hindi naman niya ginagawa. Hanggang laway lang ang sinasabing, sige buksan niyo at inyo na lang.

Ang mga mahalagang tanong ay kanino galing ang mga perang ‘yun? Para saan?

Sa halip na fake news ang binibigay niya sa taumbayan, ito dapat ang sagutin niya.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com


SHARE