Una sa Balita

PRANGKAHAN: Ang tunay na kalayaan

By
0 17

Parang may halong lungkot ang selebrasyon ng ika-118 na kalayaan ng Pilipinas kahapon.

Siguro dahil ang selebrasyon kahapon ay ang pinakahuli na sa administrasyon ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Dapat walang pulitika ang paggunita ng kalayaan ng ating bansa. Kaya lang hindi maiwasan na marahil wala sa mood ngayon ang Malacañang sa selebrasyon. Natalo kasi ang kandidato ni Aquino na si Mar Roxas. Kaya ang kanyang pinagyayabang na “Tuwid na Daan” ay malamang hindi maipagpatuloy ng susunod na administrasyon.

Hindi ibig sabihin nun, hindi tuwid ang daan na tatahakin ng administrasyon ni Rodrigo Duterte. Kaya siyempre, iba-ibang pamamaraan ng pagpatakbo ng bayan.

Sa kanyang talumpati sa tradisyunal na pagsalo-salo tuwing araw ng kalayaan sa sa Malacañang sa harap ng mga ambassador ng iba’t ibang bansa at mga opisyal ng bansa, nandiyan pa rin ang pagmamalaki nang nagawa ng kanyang administrasyon. Nandiyan pa rin ang papel na ginampanan ng kanyang pamilya sa paglaban sa diktaturyang Marcos.

Sabi ni Aquino: “Napakita na nating kaya nating bawiin ang inagaw na demokrasya. Ngayon napatunayan nating kaya nating paganahin ang demokrasya para sa ikabubuti ng ating mamamayan. Naabot natin ang lahat ng ating tinatamasa ngayon nang gumagalang sa proseso at batas at karapatan ng bawat tao.”

Dagdag pa ni Aquino: “Nagawa natin ito nang hindi sinisikil ang tinig ninuman at binigyang halaga ang kalayaan na pinaglaban ng mga nauna sa atin. Nanindigan tayo: Walang mara­rating na tunay na pag-unlad kung isusuko ang ating dignidad at karapatan.”

Parinig ba ito sa susunod na pangulo na ngayon pa lang ang istilo na pinapakita sa kanyang pamamahala ay kamay na bakal?

Hindi pala dumalo sa selebrasyon ng ika-118 na Kalayaan si Duterte sa Davao. Walang sinabi ang kanyang tagapagsalita na si Salvador Panelo kung bakit. Baka napuyat dahil ‘di ba sinabi naman niya talagang ala-una ng hapon ang simula ng trabaho niya. Sanay siya magpupuyat kung gabi kaya tanghali na siyang nagigising.

Masanay na tayo sa ganyang iskedyul. Sa susunod na selebrasyon ng kalayaan ng bansa, baka hapon na magsisimula at ang salo-salo sa Malacañang ay sa gabi.

Maraming buhay ang naging sakripisyo para marating nating ang kalayaan na tinatamasa natin ngayon. Lumaban ang ating mga ninuno laban sa mga nanakop sa atin: Espanya, Uni­ted Kingdom, Japan at United States.

Ngunit ang kalayaan at hindi lamang laban sa mga banyagang mananakop. Dahil hindi tayo tunay na Malaya kung tayo ay lugnok sa kahirapan. Hindi tayo tunay na malaya kung tayo ay palagi lang takot na takot.

Hindi tayo tunay na malaya kung marami sa atin ay mangmang at walang kakayahan ipatupad ang pangarap. Hindi tayo tunay na malaya kung wala tayong kalayaan mangarap.

Hindi tayo tunay na malaya kung hindi tayo ­malayang magpahayag ng nasa ating kalooban.

Noong isang buwan, nagkaroon tayo ng eleksyon. Malaya tayong namili ng susunod na mga lider natin, bahagi ng demokrasya na pinaglaban ng ating mga ninuno.

Obligasyon natin na ipagtibay ang demokrasya na ‘yan, hindi lamang para sa atin kundi para rin sa mga anak at kaapuhan natin.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com