Una sa Balita

PRANGKAHAN: Ang naninindigan laban sa may kapangyarihan na tiwali

By
0 200

Sa paghimay-himay ng isang taon ni Pangulong Duterte sa Malacañang, may mga nagsasabi na nagbabago na rin naman daw talaga siya.

Alin ‘yun?

Sabi nila wala na raw sa balita ang araw-araw o gabi-gabi na patayan konektado sa kampanya ni Duterte laban sa droga. Noong una pinagmamayabang ni Duterte na magkukulay dugo ang Manila Bay sa mga bangkay na ipapalutang niya doon.

Umabot na sa libu-libo ang napatay na hindi nabigyan ng pagkakataon depensahan ang sarili sa husgado. Extra-judicial killing o EJK ang tawag doon. Iba-iba ang numero.

Merong 8,000, merong 7,000 merong 3,000. Kung ilang libo man ang tama, nakaka-panghilakbot pa rin ‘yun dahil buhay ng tao. Hindi insekto o hayop. Kahit isa lang kung hindi naman talaga dapat mamatay, dapat ikundena ‘yun.

Siguro nga, medyo naghihinay-hinay na si Duterte at si PNP Chief Ronald dela Rosa sa kanilang Oplan Tokhang dahil sa batikos hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Hindi sila dapat purihin dahil naghinay-hinay sa paglabag ng batas. Ang dapat bigyan ng kredito ay ang naglalakas-loob na naninindigan laban kay Duterte.

‘Yung mga naglalakas-loob na bumatikos sa kanya kahit siya ay popular at yumuyuko ang lahat-ang karamihan sa mga kongresista at mga senador.

Nangunguna diyan si Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Leila de Lima, na ngayon ay nakakulong. Ilan sa opisyal ng Liberal Party katulad ni Sen. Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Bam Aquino at Risa Hontiveros ay pumupuna rin kay Duterte.

Nandu’n din ang tinaguriang ‘Magnificent 7’ na House of Representatives na sina Magdalo Rep. Gary Alejano, na nag-file ng impeachment complaint laban kay Duterte, Albay Rep. Edcel Lagman, Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Caloocan Rep. Edgar Erice, Capiz Rep. Emmanuel Billones, Akbayan Rep. Tomasito Villarin at Northern Samar Rep. Raul Daza.

Grabe ang nangyayaring harassment sa mga lumalaban kay Duterte sa panahon ngayon ng social media na madali magpalabas ng mga kasinungalingan. Hindi na bale ang panunuya. Ang masama ay ang fake news na kanilang kinakalat sa Facebook at Twitter. Panloloko ang kanilang ginagawa.

Katulad na lang ng report nag-walkout daw ang mga taga-Zambales sa isang forum na dinaluhan ni Trillanes noong Hunyo 11 daw. Paano nangyari ‘yun ay nang araw na ‘yun sa The Hague, Netherlands ang senador kasama si Rep. Alejano at nagsampa sila ng complaint laban kay Duterte sa International Criminal Court. Grabe ang panloloko.

Ganu’n din ang interbyu kay Trillanes sa programang Hardtalk sa BBC. Nagkalat daw si Trillanes at binara daw ng host. Hindi yata napanood ng mga nagkakalat ng ganu’ng kumento.

Napanood ko nang maayos ang interview.

Mahihirap ang tanong ngunit maayos niyang nasagot. Panoorin n’yo online. Hanapin n’yo ang BBC Hardtalk interviews Philippine Senator Antonio Trillanes para malaman n’yo ang totoo.

***

Blog: www.ellentordesillas.com

E-mail: ellentordesillas@gmail.com

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More