Una sa Balita

PQF: Hagdan sa pag-asenso

By
0 56

Napakalaking reporma po ang hinaharap ngayon ng sektor ng edukasyon sa bansa – ang pagtatatag ng Phi­lippine Qualifications Framework o PQF. Sa Senado, isinumite natin ang Senate Bill 1456 para magtuloy-tuloy ang pagpapaunlad sa ating PQF.

Ang PQF ang magi­ging gabay natin para makasabay ang edukasyon at training ng mga Pilipino sa mabilis na pagbabago ng mundo. Hindi po dapat ‘fixed’ ang kurikulum sa paaralan, dapat sumasabay ito sa pag-unlad ng teknolohiya at pag-usbong ng mga bagong gawain lalo na sa Information Technology, Robotics, Logistics, Renewable ­Energy, Travel and Hospitality, atbp.

Samakatuwid, ang PQF ay gagabay sa mga mag-aaral, manggagawa, eskwelahan at ma­ging sa mga employer sa kaalamang dapat taglay ng isang indibidwal para makapasok sa trabaho o kaya ay umabante sa kanyang napiling karera mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas o lebel.

Binubuo po ng walong lebel ang ating PQF – sa lebel 1, pinapakita ang mga kaalamang dapat mayroon ang graduate ng Senior High School at sa lebel 8, ang pinakamataas na antas, iyong doctorate degree. Kasama rin po sa PQF ang mga kaalamang nakuha sa labas ng eskwela tulad ng on-the-job training at mga job experience.

Kung ang K-12 ay pagbabago sa istruktura ng ating basic education, ang PQF naman po ang magi­ging batayan o istandard ng mga kaalaman, kasanayan at pag-uugali na dapat taglayin ng mga mag-aaral at manggagawa. Hangga’t maaari, ang mga istandard ng kaalaman ay kahilera sa iba’t ibang bansa lalo na dito sa ASEAN.

Sa ganitong sistema, magiging madali po ang pagkilala sa kwalipikasyon ng mga manggagawang Pilipino. Ang resulta: mas madali nilang makukuha ang posisyon at sweldo na angkop sa kanilang natapos sa eskwela at mga kakayahan, kasama ang kanilang job experiences.

Sisiguruhin po natin na may katumbas na pagtaas sa sahod ang pag-angat ng baytang o lebel sa PQF. Sama-sama po tayo sa pagtatatag ng ating PQF, ang hagdan sa pag-asenso nating mga Pilipino.

***

Job Fair Schedule (November 6-11)
*SBMA Job Fair
Second Level, Harbor Point Mall, Subic Bay Freeport Zone
November 6
*PESO Job Fair
NCCC Mall, Matina, Davao City
November 10
*81st Ceby City Mega Job Fair
Cebu Cuty Sports Complex
November 11
(senatorjoelvillanueva@yahoo.com)