Una sa Balita

Power firm mas grabe pa sa kapa scam

0 498

NASA balag ng alanganin ngayon si National Transmission Commission (Transco) president Melvin Matibag matapos matuklasan na ang kanyang asawa ay incorporator ng kompanyang P7,000 lang ang kapital subalit nakorner ang multi-bilyong wholesale electricity spot market industry sa bansa.

Ayon kay House Committee on Energy vice-chair at PBA Party-list Rep. Jericho Nograles, posibleng makasuhan ng graft ang mga taong nasa likod ng takeover ng wholesale electricity spot marker (WESM) ng kompanyang may karampot lamang na kapital.

“It could be for graft. If it’s not graft, then what is it?” wika ni Nograles sa radio show ng kolumnistang si Jarius Bondoc.

Sa dokumentong nakalap ng Politiko/Abante, napag-alaman na ang asawa ni Matibag na si Ma. Rene Ann Lourdes Garcia-Matibag ang isa sa incorporator ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc., (IEMOP).

Ang IEMOP ang kompanyang nakasungkit ng kontrata para patakbuhin ang WESM noong Setyembre 2018 kahit walang competitive selection process o bidding, ayon pa kay Nograles.

Sa nasabing dokumento, bawat isa sa incorporator ng IEMOP ay naglagak lamang ng tig-P1,000 noong Mayo 2018.

Binanggit pa ni Nograles sa naturang radio interview na matapos itayo ang IEMOP sa kapital na P7,000 noong Mayo 2018, naging multi-milyong korporasyon na ito pagsapit ng katapusan ng 2018 dahil sa pagtabo ng P100 milyon kada buwan.

“Mas daig pa ang KAPA (Investments). Ang nangyari, ang balik sa kanila P100 million per month. More than P100 million per month collected from every electric consumer and they are hoping in next few months madadagdagan pa makokolekta nila,” saad ni Nograles.

Matapos makipagkasundo sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) noong Setyembre 2018, lumobo agad sa P323,545,766 ang total revenue ng IEMOP pagsapit ng Disyembre 31, 2018.

Nais itong paimbestigahan ni Nograles sa Kamara dahil sa bawat kilowatt hour na binabayaran ng mga customer, ang P0.84 nito ay awtomatikong kinokolekta naman ng IEMOP.

Nanindigan pa si Nograles na ang IEMOP-EMC deal ay iligal at paglabag sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).

Pinagtanggol na ng Department of E­nergy (DOE) na pinamumunuan ni Secretary Alfonso Cusi ang deal sa WESM ope­rator at nanindigan itong walang ‘sweetheart deal’.

“It is not (a sweetheart deal, and for the engagement of IEMOP) a transition plan was followed in accordance with law,” ayon sa DOE. “The collection is less than one centavo.” (JC Cahinhinan)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More