Una sa Balita

Positibo sa coronavirus 27 Pinoy sa cruise ship iwan sa Japan

0 394

MAIIWAN ang 27 Pinoy na sakay ng cruise ship sa Japan matapos na magpositibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, hindi makakauwi sa bansa ang mga naturang Pinoy na kasalukuyang inaalagaan ng Ministry of Health, Labour and Welfare ng Japan matapos na una nang nagpositibo sa virus.

Nabatid na bago payagang makauwi at makasakay ng eroplano ay may mga daraanan munang screening ang mga repatriates.

“Hindi sila (Pinoy na positibo sa ­COVID-19) kasama sa iuuwi ­[sapagkat] nagpakita na sila ng sintomas,” ayon kay Duque.

Sinabi ni Duque na ang mga makakasama naman sa repatriation ay kinakailangan pang sumailalim muli sa panibagong 14-day quarantine pagdating sa Pilipinas.

Una nang kinumpirma ni Duque na plano na ng pamahalaan na pauwiin ng bansa ang may 538 Pinoy na lulan ng cruise ship na MV Diamond Princess, na kasalukuyang naka-quarantine sa Yokohama Port, sa Japan, dahil sa virus.

Ito ay kasunod na rin ng kahilingan ng Japanese Embassy at ng mga may-ari ng cruise ship na mai-repatriate na ang mga ito sa sanda­ling magtapos ang qua­rantine period sa kanila ngayong Pebrero 19.

Pinag-aaralan rin na gawing quarantine faci­lity ang New Clark City sa Capas, Tarlac kung saan naka-qua­rantine ang 49 Pinoy na una nang ini-repatriate mula sa Hubei, China na epicenter ng virus. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More