Una sa Balita

Pope Francis: Pista ni Maria, Ina ng Iglesia iniutos na ipagdiwang sa buong Simbahan

By
0 1,186

Idinagdag ni Pope Francis sa kalendaryo ng Simbahang Katolika ang Pista ng Mahal na Birheng Maria, Ina ng Iglesia. Ang selebrasyon ng ‘Beata Mariae Virginis, Ecclesia Matris’ utos ng Banal na Papa, simula ngayong 2018, ay gugunitain taon-taon at ipagdiriwang bilang ‘Obligatory Memorial’ sa lahat ng mga diocese at parokya sa buong daigdig tuwing Lunes kasunod ng Pentekostes.

Binibigyang-diin sa ‘decree’ ni Lolo Kiko ang pagiging Ina ni Maria para kay Kristo at ng Simbahan. Matatandaan, taong 1964 sa pagtatapos ng Vatican Council II nang pormal na iprinoklama ni Beato Pope Paul VI ang Mahal na Birhen bilang ‘Mother of the Church’. Isinama ang teksto ng yumaong Papa sa mga inilaang pagbasa at panalangin ng Simbahan sa bagong tatag na Pista.

Bagama’t Pebrero 11, 2018, araw ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes pa nilagdaan ni Papa Francisco ang nasabing decree, nito lamang Sabado inilabas at ipinagbigay-alam sa buong Simbahan ng Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ang utos.

Paliwanag ni Robert Cardinal Sarah, Prepek ng nabanggit na kongregasyon, “The Pope’s decision is based on the ancient tradition built around the devotion to Mary as Mother of the Church.” Ani kardenal, nais ni Papa Francisco ipa­laganap ang debosyon upang palawigin pa ang pagiging ‘Ina’ ng Simbahan sa tanang mananampalataya. Layon din daw nitong mas paigtingin ang pamimitagan kay Maria.

Binabalikan nito ayon sa prelado ang kasaysayan ng ‘Mater Ecclesia’ Theo­logy sa tradisyon ng Simbahang Katolika at turo ng Church Fathers lalo na ng mga akda at turo ni Saint Agustine at Pope Saint Leo the Great ukol sa kahala­gahan at papel ng Mahal na Birhen, hindi lamang sa buhay ng Iglesia kundi sa buhay mismo ni Hesu­Kristo: “In fact, St. Augustine says that Mary is the mother of the members of Christ, because with charity she cooperated in the rebirth of the faithful into the Church, while St. Leo the Great says that the birth of the Head is also the birth of the body, thus indicating that Mary is at once Mother of Christ, the Son of God, and mother of the members of his Mystical Body, which is the Church,” paliwanag ng Vatican.

In the first place, paano nga ba naging ‘Mother of the Church’ si Maria? Sagot ng Simbahan, maiintindihan lang natin ang natatanging titulo at maa-appreciate ang utos ng Papa sa Universal Church sa pagsasagawa ng nasabing ‘Feast’ sa pamamagitan ng masusing pagninilay sa ‘Divine Motherhood’ ni Mama Mary at pakikilahok daw nito sa gawaing pagliligtas sa sangkatauhan ni HesuKristo.

Sa huli, narito ang paliwanag ni Lolo Kiko at mga iskolar ng Simbahan: Naging ‘Mater Ecclessiæ’ ang Mahal na Birhen sa paanan ng Krus (Cfr. Jn. 19:25) nang tanggapin niyang lubusan ang ‘testamento ng pag-ibig’ ni HesuKristo sa Kalbaryo at akapin ang tanan, sa katauhan ng minamahal na disipulo, bilang kanya ring mga anak sa utos at hu­ling habilin ni Hesus.

Sa ganang atin, mas palalalimin pa ng bagong takdang selebrasyon ang ating ‘Sense of Being Church’ sa patnubay at pangangalaga ni Maria. Magkaroon nawa ng mas malalim at tunay na pagpapahalaga sa Simbahan bilang ating Ina sa pagdiriwang ng nasabing Pista.