Una sa Balita

Pondo sa programang pabahay dagdagan, ‘wag tapyasan

By
0 52

Usapang budget na po tayo ngayon sa Kongreso.

Nakalulungkot na sa halip na madagdagan eh patuloy pang tinatapyasan ang ipinapanukalang budget para sa mga programang pabahay ng gobyerno.

Pababa at hindi pataas ang inilalaang budget sa pabahay para sa susunod na taon gayung bukod sa pagkain at damit, kabilang ito sa mga pangunahing pa­ngangailangan ng mga Pinoy.

Sa inihain ng Department of Budget and Management (DBM) na P3.757 bilyong budget, .075 percent lang po nito ang paghahatian ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) at National Housing Authority (NHA).

Mula sa P5.7 bil­yong budget noong nakaraang taon, mahigit kalahati ang tinapyas at ginawang P2.8 bilyon na lang ito. Ano po ang maaari nating asahan dito? Sabi nga sa isang commercial ng ice cream, saan makakara­ting ang halagang ito?

Hindi nadagdagan pero napanatili ng SHFC ang kanilang P800 mil­yong budget para sa susunod na taon. Ang nakaalarma po ay ang sinapit ng NHA dahil hindi mo nga nilumpo pero sobra-sobrang pilay naman ang inabot nito.

Mula kasi sa P3.2 bilyong budget, nakadidismayang P360 mil­yon lang ang inilaang budget ng ahensya para sa susunod na taon. Ano ang inaasahan nating magiging serbisyo ng NHA sa ganitong kaliit na budget? Ilang bahay ang maipapatayo sa ganitong kaliit na budget? Wala po tayong matatanaw na pag-asa sa ganitong sistema mga kababayan.

Heto pa ang matindi. Isa sa mga epektibong housing program ng gobyerno ay ang Community Mortgage Program (CMP). Pero nalagpasan po yata sila ng tingin ng DBM kasi wala silang matatanggap na budget para sa susunod na taon. Zero allocation po ang CMP. Hindi lang pinilay kundi talagang nilumpo ang ahensyang ito na hindi naman po dole out kundi nagpapa-loan. Ito po ang nanghihikayat sa mga informal setler na bumuo ng kanilang samahan para bilhin ang lupang iligal na kinatitirikan ng kanilang mga tirahan.

Repleksyon po ng ating gobyerno ang kanilang paraan ng paglalaan ng budget o pondo para sa mga ahensyang naghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan.

Kung patuloy na ­tatap­yasan ang budget para sa mga programang pabahay, lumilitaw lang na hindi pala prayoridad ng pamahalaan ang pabahay para sa ating mga kababayan kum­para sa ibang programa nito na may malalaking pondo.

Panahon na po upang seryoso nating isipin ang epekto ng pagbibigay ng disente at abot-kayang halagang pabahay sa atkng mga kababayan sa pagsulong ng ating bansa.

Tingnan po natin ang Singapore. Ang unang ginawa ni Lee Kuan Yew para sa pagbabago ng Singapore noong dekada 60 at 70 ay ang alisin ang mga slum area sa kanilang paligid.

Ngayon po, halos 80% ng populasyon sa Si­ngapore ay naninirahan sa mga housing unit na pinagawa ng gobyerno. At hindi po natin maikakaila na isa ang Singapore sa mauunlad na bansa sa Asya.

Kung iisipin po natin, di hamak na mas malaki ang Pilipinas sa Singapore, may mas mara­ming lupa, mas maluwag na espasyo para sana sa ating mga programang pabahay. Kailangan lang po natin na magsimula. 

Pero hindi po natin ito makakamit kung bawat taon ay pababa o padauados ang gagawin sa budget para sa mga programang pabahay.

Mga kababayan, hindi po ito ang tamang landas para magsimula tayo.at sana ay maging mulat dito ang mga lider natin sa gobyerno.