Una sa Balita

Pondo para sa CHED, tutukan!

By
Win sa edukasyon
0 69

Noong naging batas ang Free Higher Education Law o ang Republic Act No. 10931, nabuo ang pangarap at pag-asa ng bawat magulang na makapagtapos ng kolehiyo ang kanilang mga anak o kapamil­ya sa anumang state universities at colle­ges (SUC) o local universities at colleges (LUC).Kasama ng mga kapwa ko mambabatas, mahabang pro­seso ang pinagdaanan para mapag-aralan, matutukan at maipasa ang batas na gagawing libre ang tuition ng mga college student sa buong Pilipinas. Ayaw naman natin na mawalan lang ito ng saysay kung kukulangin tayo sa pondo para ma­panatili ang implementasyon nito. 

Mula P4.7 bilyon na pondo nitong taon ay magiging P1.7 bilyon na lamang ang budget para sa Student Financial Assistance Programs (StuFAP) ng Commission on Higher Education (CHED) para sa taong 2019. 

Kahit ang infrastructure budget para sa mga paaralan, mula sa P48 milyon nga­yong taon ay bumaba na rin ng P6.9 milyon sa susunod na taon. 

Base kay Commissioner Prospero De Vera III, CHED Officer-in-Charge, libre pa rin ang tuition at mga miscellaneous fee ng mga estudyanteng naka-enroll sa state universities at colleges, ngunit hindi na sila makakatanggap ng dagdag allowance dahil sa 64 porsyento na pagtapyas sa nasabing budget. 

35 daw na state university sa buong bansa ang hindi nabigyan ng infrastructure funding para sa pagpapagawa ng mga bagong buil­ding at class room. 

Hindi maaaring mawala ang mga pondong ito dahil kung ganun, mababalewala lang ang pinangakong libreng college education kung makokompromiso ang kalidad nito. 

Kasing importante ng isang world-class na gusali at pasilidad ang dekalidad na pagtuturo. Marami nga tayong enrollee dahil libre ang tuition at ibang pang mga bayarin, pero kung bumaba naman ang kalidad ng pagtuturo at ng itininuturo, wala rin itong silbi.

 Para sa kaalaman ng ating mga ka-Abante, ang tatlong klase ng financial assistance na sakop ng StuFAP ay ang scholarship, grant-in-aid program at student loan. 

Naniniwala ako na mahalagang magkaintindihan at magkaisa ang lahat para masiguradong napapanindigan ng gobyerno ang pagsunod sa nakasaad sa ating konstitusyon na gawing prayoridad ang pagla­lagay ng pinakama­laking pondo para sa edukasyon. 

Bilang tagasulong ng dekalidad na edukasyon, patuloy na­ting imo-monitor at ipag­lalaban ang pondo na nakalaan para sa CHED. Hindi natin hahayaang bumaba at lumiit pa ang scholarship fund para sa kabataan na nagha­hangad na makapagtapos sa kolehiyo. Tungkulin na­ting maipaglaban ang karapatan ng bawat estudyanteng maiahon sa kahirapan ang buhay ng kanilang mga pamilya.