Pondo ni Marcos, pera ng taumbayan – Robredo

By

Ibinuking ni Vice President Leni Robredo kung saan nanggagaling ang pondo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para suportahan ng todo-todo ang kanyang election protest sa Presidential Electoral Tribunal (PET).

Sa isang forum kasama ang mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP) sa Los Banos, Laguna, sinabi ni Robredo na ang hindi pa nababayarang utang sa bansa ng pamilya Marcos ang ginagagamit ni Bongbong para makabalik sa kapangyarihan.

Ang nasabi rin aniyang pondo ang ginagamit ni Marcos para pondohan ang ‘mega machine’ nito na naninira at nag-iimbento ng mga ‘fake news’ sa social media tulad ng pagsangkot umano kay Robredo sa sinasabing planong tanggalin si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.

“Maraming nangyayari ngayon sa social media na hindi totoo. Mayroong mega machine na nangyayari dahil pa rin sa paggamit ng pera,” ani Robredo.

Muling nagbabala si Robredo sa pagbabalik sa poder ng mga Marcos na may reputasyon ng pang-aabuso.

Tiniyak naman nito na gagawin niya ang lahat para hindi maagaw ng mga Marcos ang kanyang hinahawakang posisyon.


SHARE