Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Pondo ng Basilan college sa 2022 dinoble

0 178

Dumoble ang pondong inilaan ng gobyerno para sa Basilan State College (BaSC) sa susunod na taon.

Ayon kay House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman, mula sa P117.2 milyon ngayong taon, ang pondo ng BaSC ay umakyat sa P233.8 milyon para sa 2022.

Sa pamamagitan ng inilaang pondo ay mapabibilis umano ang conversion ng Basilan State College patungong unibersidad na makapagbibigay ng mas maraming kurso sa mga papasok na estudyante.

“Mas madaming mag-aaral ang makikinabang, mas malaki ang oportunidad sa pag-unlad. Mahaba pa ang tatahakin, pero tuloy-tuloy na ito,” ani Hataman.

Sa ilalim ng panukalang 2022 budget, naglaan ang Senado at Kamara de Representantes ng P113.1 milyon. Sa bicameral conference committee meeting, itinaas ito ng mga mambabatas sa P233.8 milyon.

Noong 2019, ang pondo ng BaSC ay P105.6 milyon at P105.1 milyon naman noong 2020.

Ngayong 2021 din nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang gawing state university ang BaSC.

Mayroon pa umanong mga requirement na kailangang makamit upang maging unibersidad ang BaSC, gaya ng pag-upgrade ng mga pasilidad nito.

Kapag pumasa na sa pamantayan ng Commission on Higher Education ang Basilan State University ay maaari na itong magdagdag ng mga kurso. (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.