Una sa Balita

Politikong epal nilangaw sa press con

By
0 24

Nagmukhang tanga ang isang antigong politiko na makapagpalapad ng papel kay Pangulong Rodrigo Duterte makaraang hindi pansinin ang pasiklab nito sa Malacañang.

Bigo ang misyon ng epalitiko dahil hindi pinansin ng mga reporter ang panibagong reklamong inihain nito sa isang taga-Ombudsman sa Office of the President noong nakalipas na linggo.

May nauna na kasing kahalintulad na rekla­mong isinampa itong politiko at tila kulang pa sa kasiyahan o hindi pa sapat ang panggigigil kaya umulit na naman.

Ang siste mga utaw, inutusan ng politiko ang kanyang maepal ding langaw at nagtawag ng mga piling reporter sa Malacañang Press Corps pero dahil oras na ng ba­litaan sa hapon at habulan na ng deadline, walang pumatol sa imbitasyon.

Makailang ulit na nagpabalik-balik ang matandang langaw ng politiko pero pinagtaguan siya ng kinukulit na reporter sa radyo.

Bale ba mga utaw, gusto palang magpa-interview live sa radyo itong si politiko kaya kahit hingal-kabayo na ang inutusang matanda ay pabalik-balik ito sa MPC habang prenteng naghihintay naman ito sa mamahaling restaurant na ilang metro lang sa Malacañang.

Pero dahil nga hindi naman makayanig ang istorya, hindi sumipot ang mga inimbitahang reporters kaya nganga ang politikong sipsip sa administrasyon.

Ang politikong bigo ay kaibigan ng isang cabinet official, dating mambabatas at tumutulong umano sa mga isinusulong na pagbabago sa gobyerno.

Ka-text ito palagi ng cabinet secretary at minsan na ring nasita ng isang senadora dahil nasilip ang kanilang usapan! O gets niyo na?